ENGLISH
THAI
INDONESIAN
JAPANESE
FILIPINO

ni Reed L. Wadley at Michael Eilenberg

[Si Reed L. Wadley ay nagtuturo sa Departamento ng Antropolohiya ng University of Missouri-Columbia (USA). Si Michael Eilenberg ay nagtuturo sa Departamento ng Antropolohiya at Etnograpiya sa University of Aarhus (Moesgaard),]

page 1
page 2
page 3

Everlasting Forest), na nagresulta sa pagkakadakip sa ilang Malaysiano at Indones (mga Tsino, Iban, at Malay) na may kinalaman sa pagtotroso sa hangganan. Ipinagbawal din ng operasyon ang pagtatawid sa putol na troso sa kabila ng hangganan, isang pagkilos na bumahala sa mga naninirahan doon na kumikita mula sa kalakalang ito. Nagpadala sila ng malaking delegasyon (may 200 katao) sa Putussibau, ang kabisera ng distrito, para igiit ang pagtanggal sa pagbabawal, sa kadahilanang ang kahoy ay galing sa mga gubat ng pamayanan (hutan adat) at ang mga pamilihang Indones ay sobrang layo. Sa kasalukuyan ay wala pa ring resolusyon, ang mga bayan sa hangganan na umunlad sa pagdaloy ng mga tao at produkto sa hangganan ay naging mga ghost town, at ang Indones na ministro ng kagubatan, si M.S.Kaban, ay nagpahayag na ang mga lokal na pamayanan ay walang ligal na batayan para pahintulutan ang komersyal na pagpuputol ng puno (Kompas 2005b, 2005c; Media Indonesia 2005; Pontianak Post 2005a), marahil ay tanda ng pagwawakas sa yugtong ito ng kasaysayan ng hangganang-rehiyon.

Mga Vigilante at Tulisan sa Mas Malawak na Pananaw

Ang dalawang kasong ito ay naglalarawan, sa kani-kanilang paraan, sa mga mahahalagang proseso ng buhay sa hangganang-rehiyon na dapat intindihin upang malutasan ang mga problemang panlipunan at pangrekurso na kinakaharap ng rehiyon.

Ang Iban ng Kalimantan ay nasanay na sa pagkakaroon ng may-kalakihang awtonomya sa paghaharap sa mga usaping sibil at kriminal at hindi nangingiming labanan ang anumang pagtatangkang bawasan ang awtonomyang ito. Nilarawan sila ng isang opisyal na Olandes noong huling banda ng ikalabing-siyam na dantaon bilang een levendig en strijdlustig volk (mga masisigla at palaban na tao), at bagamat dapat tayong mag-ingat sa ganitong uri ng esensyalistang pananaw, tinutukoy nito ang partikular na kultural na kasiglahan at lakas ng loob na di-hamak na pinaunlad ng natatanging relasyong binuo ng mga Iban sa magkabilang panig ng hangganan sa loob ng mahigit isa’t kalahating dantaon. Hindi aksidental na ang kahabaan ng hangganan sa pagitan ng Dutch West Borneo at British Sarawak na tinitirhan ng mga Iban ang nagkaroon ng pinakamatagal na hidwaang pang-hangganan sa pagitan ng mga kapangyarihang kolonyal noong ikalabing-siyam na dantaon at unang bahagi ng ikadalawampu, sapagkat ang Iban ay napakahirap kontrolin at patahimikin (Wadley 2001, 2004).

Kahit pagkatapos ng pormal na pasipikasyon (noong 1886), maingat ang trato ng mga kolonyal na pamahalaan sa Iban upang hindi sila maantagonisa. Halimbawa, sa magkabilang panig ng hangganan, ang Iban ay mas mababa ang buwis na binabayaran kaysa sa ibang mga katutubong mamamayan—sa Sarawak, sapagkat obligado silang magsilbi sa mga ekspedisyon ng pamahalaan, at sa Dutch West Borneo, marahil upang matumbasan ang nakagawian sa Sarawak. Dagdag pa, ang sistema kung saan ang mga Olandes ang nagtatalaga ng mga

pinuno—temenggong at patih—ay unti-unting naging nagsasarili sa paglipas ng panahon, laluna sa panahon ng malawakang kaguluhang pulitikal at transisyon sa mga dekada kwarenta at singkwenta. Dagdag pa, ang ispesyal na pagkamalapit ng mga Iban ng Kalimantan sa Sarawak ay sinulsulan ng pamahalaan ng Sarawak: Noong 1882, bigong inalok ni Charles Brooke, ang pangalawang pinuno ng Sarawak, na ipasailalim sa kanyang kontrol ang mga Iban ng Kalimantan “kahit na ang bahagi ng lupang kadikit ng hangganan kung saan naninirahan ang mga Dyak na ito ay malipat sa paghahari ng Sarawak” —bagay na nananatili pa rin sa mga pangkasaysayang naratibo ng Iban.

Sa gayon, hindi nakakagulat na makita ang mga Iban ng Kalimantan na ipinaglalaban ang kanilang interes sa mga partikular na sitwasyon, kahit na maaari itong maging delikado: Noong mga dekada sesenta at setenta at nagkaroon ng militarisasyon sa hangganan bilang pangontra sa insurhensiya, tinanggihan ng Iban ang utos ng hukbong Indones na isuko ang kanilang mga baril. Ilang daang lalaki na nakabihis panritwal at pinangungunahan ng kanilang temenggong at patih ang bumaba sa himpilan ng hukbo at nagsabing isusuko lamang nila ang kanilang mga baril kung mangangako ang militar na magtalaga ng mga kawal sa kanilang mga bukid para ipagtanggol ito sa mga nananalakay na baboy-ramo at unggoy. Hanggang sa ngayon, ang tatlong subdistritong dinodomina ng mga Iban ang tanging mga lugar sa distrito, at marahil sa lalawigan, kung saan ang mga mamamayan ay maaaring itago ang kanilang mga baril sa bahay at hindi nakarehistro sa mga lokal na istasyon ng pulis.

Sa harap ng karanasang ito, at sa konteksto ng de facto na desentralisasyon ng pamahalaan at demoralisasyon ng pulis at militar matapos ang pagbagsak ni Suharto noong 1998, ang mapaghiganting pagpatay kay Usnata ay mas maiintindihan, at makakakita tayo ng ilang kuneksyon sa kasaysayan: Ang malakas na kamalayan ng pagsasariling kultural ay pinakamatingkad sa paniniwalang, sa lokal na antas, ang tradisyunal na batas ay nangingibabaw sa pambansang batas at ang mariin na pagpupursigi sa interes ng Iban ay lubos na lehitimo. Ang kakayahan ng Iban na magpakilos nang mabilis ay lumilitaw rin at natutumbasan sa kasaysayan ng mga ekspedisyon para sa pagpupugot ng ulo, noong ikalabing-siyam na dantaon, na maaaring umabot sa ilang daan at libong katao (Freeman 1960). Bagamat ang mga pagbabago sa buhay-pulitika ng Indonesia ay nagbigay sa kanila ng mas maluwag na puwang para kumilos matapos ang 1998, ang mga Iban na may kinalaman sa insidenteng Usnata ay maaaring hindi ito nakayang gawin o piniling gawin kundi dahil sa mga katangiang ito sa kanilang kasaysayan.

Sa usapin ng pagtutulisan, dalawang dagdag na salik ang may kinalaman. Una, bilang resulta ng mga proseso ng pambansang desentralisasyon, ang mga pamahalaang pandistrito sa buong Indonesia ay nagkaroon ng pinakamalaking kapangyarihan mula nang unang itatag ang mga ito, at nakita ng mga opisyal ng Distrito ng Kapuas Hulu ang pagtotrosong tumatawid sa hangganan bilang isang epektibong pagkakataon para paunlarin ang ekonomya sa

hangganang-rehiyon, na matagal na isinantabi ng sentral na pamahalaan. Dagdag pa, sa harap ng pagbulusok ng suportang pinansyal mula sa mga pamahalaang sentral at panlalawigan, ang mga opisyal ng distrito ay napilitang maghanap ng mga paraan para sustentuhan ang kanilang sarili. Pangalawa, maraming lokal na Iban (kasama na rin ang ilang opisyal ng distrito) ay hindi sumasang-ayon sa pananaw ng mga pamahalaang sentral at panlalawigan hinggil sa ligalidad ng kasalukuyang gawaing pagtotroso, at tumitingin sa pakikialam ng mga “tagalabas,” tulad ng nabanggit na operasyon ng pamahalaan, bilang panghihimasok sa awtonomyang lokal. Sa gayon, ang pagiging pasibo ng mga pulis at militar sa lokal na distrito ay makikita bilang maingat na tugon sa mga benepisyong pang-ekonomya na nakamit sa pamamagitan ng pagtotroso at malusog na paggalang sa kakayahang kumilos ng mga lokal na Iban.

Matapos ang pagbagsak ang pamahalaang “New Order” noong 1998, tinawid ng mga Malaysianong Tsino na negosyante ng troso ang mahaba at madaling-lusutang hangganan patungong Kanlurang Kalimantan para magtayo ng mga lokal na operasyon ng pagtotroso. Patakaran nilang makipagtulungan sa mga lokal na pamayanan na nangangailangan ng paraan para magpalitaw ng salapi at tinamasa nila ang di-opisyal na pahintulot ng mga pamahalaang pandistrito. Dagdag pa sa mainam na klimang pang-ekonomya’t pampulitika at internasyunal na pangangailangan para sa trosong tropikal, ang madaling pagtagos sa hangganan dulot ng pinabuting

network ng mga kalsada (dati’y mahalaga sa usapin ng pambansang panseguridad) ay nagpadali sa mga operasyong ito. Sa sarili nilang banda, tinitingnan ng mga pamayanang lokal ang mga kagubatan sa gilid ng hangganan bilang tradisyunal nilang kahuyan, at ang pag-aani sa troso bilang resulta ng mga lokal na kasunduan. Upang maging makinis ang takbo ng kanilang mga negosyo, sinusuhulan ng mga negosyante ng troso ang ilang susing opisyal sa distrito at subdistrito, at maging ang mga pulis, militar, at ahente ng migrasyon sa hangganan, isang bagay na alam ng lahat ng mga naninirahan sa hangganang-rehiyon.

Sa Subdistritong Batang Lupar, Distrito ng Kapuas Hulu, laganap ang mga prosesong ito na kinasasangkutan ng mga negosyanteng Malaysiano (tukei ang lokal na tawag sa kanila) at lokal na Iban. Bunga ng kanilang mahabang kultural at pang-ekonomyang pagkamalapit sa Sarawak at ng matagal na marhinalisasyon sa kanila ng sarili nilang mga sentral at panlalawigang pamahalaan, maraming Iban sa hangganang-rehiyon ang katiting lamang ang nararamdamang komitment sa sarili nilang estado. Wala silang nakikitang kontradiksyon sa kanilang pakikipagtulungan sa mga mas pamilyar na Malaysianong tukei (at sa kanilang mga empleyadong Malaysianong Iban), na mas maraming nalalaman tungkol sa mga kaugalian at wikang Iban kaysa sa mga opisyal ng pamahalaang Indones. Sa gayon, ang mga lokal na Iban ay kumportable sa kanilang pakikitungo sa mga tukei at sa kanilang mga pinsan mula sa kabila ng hangganan. Dagdag pa, sapagkat

ang mga Iban ng Kalimantan ay matagal nang nakikilahok sa wage-labor sa kabila ng hangganan samantalang ang kanilang mga kamag-anak sa Sarawak ay hindi nakadama ng gayong paghatak mula sa Kalimantan, ang mga gawaing ito ay nagbukas ng mga bagong ugnayan sa pagitan ng mga nagkawatak-watak na Iban, bagay na nagpatatag sa mahabang tradisyon ng relasyong etniko na tumatawid sa hangganan (Wadley at Eilenberg 2005).

Sa mga sumunod na taon matapos ang unang pagdating ng pagtotroso sa hangganan, manaka-naka lamang ang pag-ulat ng mga panlalawigan at pambansang pahayagan hinggil sa mga gawaing ito sa liblib na Kapuas Hulu (hal., Jakarta Post 2000, 2002, 2003; Pontianak Post 2003a, 2003b). Subalit, nang maglaon, sa ibayong paglaganap ng pagpupuslit sa hangganan at ang pagkawala ng rekurso at rebenyu mula sa estado ay hindi na maaaring ipagwalang-bahala, muling pinagtuunan ng pansin ng media ang liblib na lugar sa hangganan. Ang tema noon ay ang pagsasamantalang Malaysiano sa mga rekurso ng Kanlurang Kalimantan, na isinasaad ng mga mapanulsol na hedlayn tulad ng “Ang Malaysia ang kumakain sa ating mga prutas, samantalang nilulunok ng Indonesia ang dagta” (Suara Pembaruan 2003) at “Kailan magwawakas ang ‘kolonisasyong’ Malaysiano sa hangganang Kalbar?” (Suara Pembaruan 2004b). Ang mas malakas na tonong nasyonalista sa mga huling ulat na ito ay kinatampukan din ng tahasang pagkriminalisa sa mga gawaing tumatawid sa hangganan: Ang mga tukei at ang kanilang mga manggagawang Malaysiano ay

tinitingnan ngayon bilang mga armadong tulisan na nananakot sa mga lokal na pamayanan, at ang “Gengster Cina Malaysia” ay naging bukambibig (Suara Pembaruan 2004a; Sinar Harapan 2004a, 2004c; Media Indonesia 2004).

Sanhi ng ganitong pagbabago sa kapasyahang pulitikal, hiningi ng mga pambansa at panlalawigang opisyal na magsagawa ng kagyat na pagkilos ang mga opisyal pandistrito. Sa kabila ng pangako ng pamahalaang pandistrito na haharapin ang mga “tulisang Malaysiano,” ang mga unang pagtatangka na wakasan ang iligal na pagtotroso sa hangganan ay mangilan-ngilan at walang-gana, at ang mga taong nadakip ay karamiha’y “pipitsugin” lamang (Kompas 2003a, 2003b; Pontianak Post 2004), laluna’t sapagkat ang mga opisyal sa distrito ay hindi nagmamadaling wakasan ang kapaki-pakinabang na kuneksyon sa kabila ng hangganan. Mukhang walang-tigil na ipagpapatuloy ng mga “tulisan” ang kanilang mga gawain, nang may suporta mula sa mga opisyal ng distrito at lokal na pamayanan (Kompas 2004b, 2004c, 2004d; Sinar Harapan 2004b). Subalit mukhang binago ng Operasi Hutan Lestari ang naunang kalagayan. Sa katunayan, maaaring ang nakikita natin ngayon ay isang pambansa at panlalawigang pagtatangka na agawin ang kontrol ng daloy ng rebenyu mula sa mga distrito, kasabay ng pagbanggit sa panibagong militarisasyon sa hangganan at pagtatatanim ng mga plantasyon ng oil palm sa kahabaan nito para sa mas madaling kontrol (Jakarta Post 2005; Pontianak Post 2005b). Ang kapalaran ng mga lokal na pamayanan sa hangganang-rehiyon na dati’y kumikita (bagama’t limitado) mula sa pagtotrosong ito ay katanungang wala pang sagot.

Pagtatapos

Naninirahan sa gilid ng estadong Indones at malapit sa karatig-estado kung saan mayroon na silang matagal na relasyong kultural at pang-ekonomya, naghahari sa mga Iban ng Kanlurang Kalimantan ang damdamin ng pagiging iba—ang pakiramdam ng pagiging hiwalay at kaiba sa sentro at sa populasyon nito, sa mga usaping pang-ekonomya, kultural at pangkasaysayan. Dagdag pa, karaniwang katangian ng buhay ng mga Iban sa hangganang-rehiyon ang pakiramdam ng sabayang pagkahatak sa iba’t ibang direksyon, subalit ang lakas ng hatak ay nakasalalay sa antas ng pakikisalamuha at relasyon sa magkabilang panig (Martinez 1994b:12). Sa katunayan, ang mga naninirahan sa hangganang-rehiyon na siyang may pinakamahinang katapatan sa sarili nilang pambansang estado ay malimit na siya ring may pinakamalakas na ugnayan na tumatawid sa hangganan (Martinez 1994a:19). Sa usapin ng pulitika, ang mga Iban ay nakapaloob sa isang estado na humihingi sa kanilang lubos na katapatan, subalit sa usapin ng etnisidad, damdamin, at ekonomya, malimit nilang nararamdaman na bahagi sila ng iba at di-estadong kabuuan (Baud at Schendel 1997:233), na ang malaking bahagi ay nakapaloob sa ibang estado. Para sa maraming Iban, ang mga ugnayan sa kabila ng hangganan ay nananatiling mas mahigpit kaysa sa sarili nilang bansa, bagay na nagreresulta sa isang mahinang kamalayan ng pambansang pagkiling o identidad.

next page

               
designed and developed by SQUEAKYSTUDIOS for Kyoto Review
All rights reserved 2006