ENGLISH
THAI
INDONESIAN
JAPANESE
FILIPINO

ni Reed L. Wadley at Michael Eilenberg

[Si Reed L. Wadley ay nagtuturo sa Departamento ng Antropolohiya ng University of Missouri-Columbia (USA). Si Michael Eilenberg ay nagtuturo sa Departamento ng Antropolohiya at Etnograpiya sa University of Aarhus (Moesgaard),]

page 1
page 2
page 3


Mga Vigilante at Tulisan sa Hangganang-rehiyon ng Kanlurang Kalimantan, Indonesia

 

Ang mga taong minamabuti ang madaliang paglipat-lipat ng panig sa hangganan ay hindi masasabing mahahalagang mamamayan ng alinmang Estado.

Ang mga hangganang-rehiyon ay matagal nang mga lugar ng karahasan, bunga ng kawalang kakayahan o interes ng pamahalaan sa mga rehiyong periperal, o ng panaka-nakang pagtatangka ng mga estado na igiit ang kanilang kapangyarihan sa mga “palasaway” na naninirahan dito (Paredes 1958; Wadley 2004). Ang laganap na di-pagsunod sa batas sa mga hangganang-rehiyon, o ang di-malinaw na espasyo sa pagitan ng batas ng estado, ay nagpayaman sa pagkakataon para sa mga gawaing tinitingnan bilang bawal ng isa o parehong estado—halimbawa, ang pagpupuslit o pag-iwas sa pagbayad ng buwis (Tagliacozzo 2001). Ang espasyo sa hangganan ay maaari ring magpaunlad sa isang lokal na pamunuan na nakasandig sa mga gawaing iligal na ito at minementina sa pamamagitan ng patronahe at karahasan (McCoy 1999). Sa ganitong mga kalagayan, ang mga naninirahan sa hangganan ay nagtatamasa ng sapat na antas ng awtonomya mula sa pakikialam ng estado, na maaaring magpalubha sa kanilang malabo- nang relasyon sa alinmang estado (Martinez 1994a). Sa papel na ito, susuriin namin ang mga usapin ng di-pagkilala sa batas at awtonomya sa kahabaan ng hangganang-rehiyon ng Kanlurang Kalimantan na tinitirhan ng mga Iban (Larawan 1), nang may pagsasaalang-alang sa mga kagaganap lamang na mga insidente ng vigilantismo at pagtutulisan, at kung paano pinag-iibayo at pinatitingkad ang mga gawaing ito ng kalabuan at pagiging-hiwalay na iniluwal ng hangganan.

Malinaw na ang vigilantismo at pagtutulisan ay mga karaniwang penomena sa buong Indonesia subalit, tulad ng ipapakita namin, ang kumpigurasyon ng hangganang-rehiyon ay nagbibigay sa mga penomenang ito ng kakaibang hugis sa lugar na ito.

Nagsimula noong gitna ng ikalabingsiyam na dantaon, sa kanilang mga pagtatangkang itigil ang tumatawid sa hangganang pamumugot ng ulo at paglilinaw sa kolonyal na pagkamamamayan, hiniwalay ng kolonisasyong Ingles at Olandes sa Borneo ang Iban ng Kalimantan mula sa mas malaking populasyon sa Sarawak. Ang hangganang-rehiyon sa Iban ay madalas maging sentro ng mapag-alsang relasyong interkolonyal, at sinikap ng mga Iban na makinabang sa magkakaibang mga probisyon at kundisyong inalok ng pamahalaang kolonyal sa magkabilang panig; halimbawa, ang paggamit sa hangganan para makaiwas sa pagbabayad ng buwis at labanan ang kolonyal na kapangyarihan (Wadley 2004). Ang pagsasarili ng Indonesia at ang pagbubuo sa pederasyong Malay sa gitna ng ikadalawampung dantaon ay lalong nagpalubha sa partisyon, laluna sa ilalim ng matinding militarisasyon sa hangganan noong panahon ng Kumprontasyon sa unang bahagi ng dekada sesenta at ng sumunod na insurhensya ng mga komunista sa dekada setenta. Hindi naman masasabing hiniwalay nito ang mga populasyon

sa hangganan o hinati nito ang lalawigan; sa kabaligtaran, ang daloy ng pagtawid sa hangganan ay nagpatuloy gaya ng sa mga nakaraang dekada. Subalit ang paglalatag ng network ng mga kalsada sa kahabaan ng hangganan sa mga dekadang 1980-90 ay nagpadulas sa daloy ng mga tao at produkto—ligal at iligal—na nagpabalik-balik sa hangganan (Wadley 1998); dagdag pa, ang krisis pang-ekonomya sa Asya at ang pag-usbong ng awtonomya sa rehiyon matapos ang pagbagsak ng pamahalaan ni Suharto ay nagpabilis sa mga daloy na ito (Fariastuti 2002; Riwanto 2002; Siburian 2002).

Sa kabila nito, kaakibat ng kalayuan ng rehiyon mula sa mga sentrong Indones, ang mga pang-ekonomyang di-pagkakapantay sa pagitan ng Indonesia at Malaysia na lumitaw sa panahong ito ay nagpanatili sa pa-Malaysiang oryentasyong pang-ekonomya ng mga Iban ng Kalimantan, na pinalalim ng kanilang pagkaugat, sa usaping kultural at pangkasaysayan, sa Sarawak. Ang krisis pang-ekonomya sa Asya noong 1997 at ang itinulak nitong mga dramatikong pagbabagong pulitikal sa Indonesia, kasama ang pagtanggal ng militarisasyon sa hangganan, ay nagpatindi lamang sa oryentasyong ito. Ang kinalalagyan ng Iban sa hangganang-rehiyon, katabi ang isang mas maunlad at matatag-ang-pulitikang kapitbahay, ay nangahulugan na ang kanilang interes ay bahagyang nasa kabila ng hangganan, kung saan maaari silang

maghanapbuhay nang pansamantala o paminsa’y permanenteng manirahan. Bahagi ng epekto ng pagkawala ng kapangyarihan ng sentral na pamahalaang Indones, ang nagaganap na biglaang pag-unlad ng “iligal” na pagtotroso ay pumapel din sa isang halu-halong lokal na istratehiyang pang-ekonomya. Subalit susing elemento sa biglaang pag-unlad na ito ang pagkakaroon ng mga Malaysiano-Tsinong negosyante sa troso at ang kanilang mga lokal na sawmill, mga operasyong pagtotroso, at mga manggagawang Malaysianong Iban (Eilenberg 2005; Wadley at Eilenberg 2005).

Sa kabila nito, ang salitang “iligal” ay nagbibigay ng problema sa pagpapakahulugan. Laluna kung iintindihin ito mula sa punto de bista ng mga naninirahan sa mga hangganang-rehiyon, napakadali lamang nitong pinapasadahan ang isang larawang masalimuot. Ang “iligal” ay nagpapahiwatig ng kamalayan ng paggawa ng mali o ang potensyal nito, na maaaring sapat na para sa mga usaping antas-estado, subalit hindi talaga “kumakatawan sa mga paraan kung paano may-pagmamalaking iginigiit ng mga naninirahan sa mga hangganang-rehiyon ang kanilang karapatang pang-ekonomya sa pagkilos ng kalakal na tumatawid sa hangganan” (Flynn 1997:324). Sa kabaligtaran, bagamat may kamalayan na nasasangkot sila sa isang bagay na tinatakda ng mga pulitiko bilang bawal, ang mga naninirahan sa mga hangganang-rehiyon ay maaaring hindi nararamdaman na gumagawa sila ng moral na kamalian at tumitingin sa mga batas na ito bilang di-makatarungan at di-rasonable. Samakatwid, ang iligal ayon sa batas ng estado ay kadalasa’y malinaw sa mga ahente ng

estado (bagamat maaaring sila rin mismo ay lumihis sa sarili nilang mga batas), samantalang ang mga naninirahan sa mga hangganang-rehiyon ay mas karaniwang humaharap sa mga regulasyon ng estado nang may pleksibilidad, sapagkat hindi nila gaanong nararamdaman ang kanilang obligasyong tumalima sa mga batas na tinitingnan nila bilang imposisyon mula sa labas at salungat sa kanilang interes. Mas malinaw itong nakikita sa mga operasyon ng pagtotroso sa mga hangganang-rehiyon mula 1998—bagay na tinitingnan ng estado bilang iligal subalit lehitimo para sa mga lokal na pamayanan na ngayo’y muling napapanghawakan ang kanilang mga tradisyunal na kagubatan. (Ang pagkilala namin sa usaping ito ay hindi dapat ipakahulugan na sinusuportahan namin, sa anumang paraan, ang mga gawaing ilalarawan sa sumusunod, gayundin na ang paglalarawan namin sa mga gawaing ito ay hindi nagpapahiwatig na lahat ng Iban ay nasasangkot dito.)

Kaso 1: Mga Vigilante

Noong unang bahagi ng Disyembre 2000, ang isang korte sa Putussibau, ang kabisera ng distrito ng Kapuas Hulu, ay naging eksena ng pagpaslang sa pagdating ng may 300-400 na kalalakihang naaarmasan ng baril at itak para ipaghiganti ang pagkamatay ng isa nilang kalahi. Ang biktima, isang lalaking Malay na nagngangalang Usnata ay nasasakdal para sa pagpaslang noong Enero 2000 sa isang nagpapalit ng salapi (moneychanger) na Iban na nagngangalang Sandak. Ang patayan sa korte ay umabot sa pambansang media bilang kauna-unahang vigilanteng pagpaslang sa loob ng isang korteng Indones.

Nakipagkita si Pangulong Abdurahman Wahid sa pamilya ng biktima, at nangako ang mga opisyal ng lalawigan na pagbabayarin ang mga salarin (Kompas 2000b; Pontianak Post 2000a, 2000b). Subalit sa mga sumunod na buwan at taon, nawala ang insidente sa “radar screen” ng mga lokal at pambansang awtoridad, at sa ilang daang katao na nasangkot dito, wala ni isa mula noon, at marahil kahit kailan, ang nakasuhan sa pagpatay.

Sa unang tingin, mukha lamang itong isang kaso ng amuk massa, ang mistulang di-planadong pagpatay sa mga taong pinagbibintangan ng mga kadalasa’y maliit na krimen, sa konteksto ng inutil na sistemang pangkatarungan (Colombijn 2002). Subalit ang nakapailalim na istruktura nito at motibasyon, mga bagay na hindi nabanggit ng media, ay nagpapakita ng pagkakaugnay-ugnay ng identidad sa hangganang-rehiyon, humihinang kapangyarihan ng estado, at katiwalian ng mga opisyal. Sa katunayan, si Sandak, ang Iban na nagpapalit ng salapi, at si Usnata ay magkamag-anak sapagkat napangasawa ng huli ang pinsan ni Sandak. Dahil dito’y maiintindihan kung bakit sumakay si Sandak, na may dalang bag na naglalaman ng 70 milyong rupiah mula sa kanyang mga pakikipagnegosyo sa hangganan, sa isang speedboat nang kasama si Usnata. Sa mahabang biyahe patungo sa baybayin, lumilitaw na pinatay ni Usnata si Sandak, sa tulong ng drayber, isang lalaking Padang na nagngangalang Edi, at hinulog ang bangkay nito sa tubig. Ilang buwan ang nagdaan bago natuklasan ang bangkay ni Sandak, at pinaghinalaan ng pulis si Usnata (lumikas si Edi ng probinsya): hindi lamang dahil isa siya sa mga huling taong nakasama ni Sandak kundi’y nakabili rin siya ng mga mamahaling bagay matapos ang pagkawala nito.

Hiningi ng mga kamag-anak na Iban ni Sandak na magbayad si Usnata ng pati nyawa o blood money alinsunod sa tradisyunal na batas (adat) ng Iban. Tumanggi siya kung kaya’t ang kaso ay napasa sa korte ng distrito para litisin. Matapos ang unang araw ng paglilitis, nagpasya ang mga Iban na malamang na makakaalpas si Usnata sapagkat may hinala silang sinuhulan nito ang nakaupong huwes, kung kaya’t inorganisa nila ang pagsalakay, kumuha ng Iban mula sa magkabilang panig ng hangganan na may kuneksyon kay Sandak. Bahagi ng kanilang katwiran, maliban sa paghihiganti, ay ang katiwalian ng korte at ang imposibilidad na makakuha ng katarungan mula sa pamahalaan; lubha rin ang ikinagalit nila sa pagtanggi ni Usnata na sumunod sa adat ng Iban. Sa katunayan, kung binayaran ni Usnata ang pati nyawa, ay buhay pa siya ngayon. Samakatwid, bagamat nagmula sa mga karaniwang pagtingin sa isang inutil at tiwaling sistema ng pagpaparusa sa mga kriminal, ang vigilanteng pagpaslang na ito ay napakalayo sa karaniwang amuk massa na pagpatay na nagaganap sa mga lugar tulad ng Java nang biglaan na lamang tuwing may nagtuturo ng magnanakaw o anumang maliit na kriminal sa lansangan o palengke; ang mga patayang amuk massa ay mabilisan at agad na sumusunod sa pagtukoy at akusasyon. Kabaligtaran nito, ang pagpatay kay Usnata ay ilang araw na pinagplanuhan at inorganisa, kinasangkutan ng isang pwersa ng mga kalalakihang minobilisa mula sa isang malawak na network na panlipunan at heograpikal, naganap sa isang korte ng hustisya (kung kaya’t natatangi ito sa mga vigilanteng pagpaslang sa Indonesia), at kinakitaan ng direkta subalit payapang kumprontasyon sa pulisya.

Kaso 2: Mga Tulisan

Noong Enero 2005, ang isang grupo ng dalawampu’t-anim na opisyal ng gobyerno at isang mamamahayag sa telebisyon ay nag-iimbestiga sa iligal na pagtotroso sa paligid ng Betung Kerihun National Park (Antara 2005; Kompas 2005a). Anim na linggo bago nito, inaresto ng mga pulis ang tatlong Malaysianong Tsino na nasangkot sa pagtotrosong tumatawid sa hangganan at kinumpiska ang mga kagamitan at troso (Kompas 2004a), bagamat ang “pasimuno,” isang sinasabing kilabot na Malaysianong Tsino na nagngangalang Apeng (Equator Online 2004a, 2004b), ang hepe ng pagtotroso o tukei, ay nakatakas. Ang bagong grupo ay lumuwas nang umaasang madadakip nila si Apeng, subalit nalaman nilang hindi kaya ng kanilang mga sasakyang Kijang ang masamang daan. Dahil dito, kinuha na lamang nila ang ilang Toyota Land Cruiser (na may plakang Malaysiano) na kabilang sa mga kagamitang nakumpiska.

Matapos tumigil ang grupo para magkampo sa gabing iyon, may dumating na dalawang pick-up na may plakang Malaysiano na lulan ng dalawampung armadong kalalakihan. Sinimulan ng isang lokal na lalaking Iban, na tumatayo bilang pinuno, na interogahin ang grupo nang walang ipinapakitang pagkatakot sa mga pulis at militar. Nang malaman nito ang pakay ng grupo at ang paggamit nito sa mga kinumpiskang sasakyan, nagalit ang lalaki at inakusahan sila ng pagiging responsable para sa kawalan ng trabaho sa lugar. Inutusan niya ang kanyang mga tauhan na kunin ang mga sasakyan, at iwan ang grupo para maglakad. Subalit sa isang

kakatwang liko ng pangyayari, nakuha ng grupo na ihatid sila sa lokal na himpilang subdistrito ng pulis sa Lanjak. Pagdating sa Lanjak, tumutol ang mga lalaking isauli ang mga sasakyan at nakatakas sila sa kabila ng hangganan bago sila mahuli ng mas marami nang pulis.

Ang mamamahayag ay di-makapaniwala sa inabilidad o pag-atubili ng pulis o militar na makialam; iniulat niya na ang mga pwersang panseguridad na kasama sa grupo ay nakipagkasundo sa pinunong Iban na hindi makikialam, marahil para makaiwas sa dagdag pang tunggalian sa mga lokal na pamayanan. Sa katunayan, matapos nito’y may opisyal pandistrito na nagsabi sa kanyang ang insidente ay isang lokal na usapin, na hindi nangangailangang kasangkutan ng iba pang partido sa labas at hindi na kailangang ipaalam sa publiko, at nagpahiwatig ang panlalawigang koordineytor ng Kail Kalbar (isang samahan ng mga organisasyong tutol sa iligal na pagtotroso) ng pagkalito kung paano nangyari na ang mga naninirahan ay naging mas tapat at matulungin pa sa isang dayuhan (si Apeng) kaysa sa sarili nilang pamahalaan. Minungkahi niya na kung hindi kaya ng mga pulis sa distrito na gampanan ang kanilang tungkulin ay dapat silang palitan ng mga pulis panlalawigan.

Marahil na ang koordineytor ng Kail Kalbar ay may kaunting “impormasyong panloob,” sapagkat sa loob ng dalawang buwan ay inilunsad ng panlalawigan at pambansang pulisya ang Operasi Hutan Lestari (Operation

next page

               
designed and developed by SQUEAKYSTUDIOS for Kyoto Review
All rights reserved 2006