![]() |
|
ENGLISH ni
Michiko Tsuneda page 1
|
Gendered Crossings: Kasarian at Migrasyon sa mga Pamayanang Muslim sa Rehiyon sa Hangganang Timog ng Thailand Migrasyon at ang mga Pamayanan sa Hangganan “Dati, kabaligtaran ang nangyayari. Ang mga Malaysiano ang nagpupunta rito para maghanap ng trabaho. Ngayon, lahat dito ay nagpupunta sa Malaysia para magtrabaho.” Ito ang di-mabilang na beses kong narinig sa aking pamayanang pinag-aaralan, ilang kilometro ang layo mula sa isang tsekpoynt sa hangganang Thai-Malaysia sa lalawigan ng Narathiwat. Ang migrasyon ng lakas-paggawa patungong Malaysia, na pahapyaw na binanggit sa unang sanaysay etnograpiko hinggil sa mga pamayanang Malay sa Timog Thailand na ginawa ni Thomas Fraser, ay isang pana-panahon at agrikultural na gawain ng mga grupo ng kalalakihan sa mga pamayanang namamalakaya (1960, 86). Matapos ang kalahating dantaon, sa aking pamayanang pinag-aaralan malapit sa Sungai Kolok, hindi lamang kalalakihan kundi maraming dalaga ang nagtutungo sa Malaysia para magtrabaho nang pangmatagalan bilang manggagawa sa panserbisyong sektor (Thaweesit 1984; Dorairajoo 2002). Sa kasalukuyan, maraming lalaki ang tumitingin sa kanilang pagtrabaho sa Malaysia bilang pansamantalang gawain malayo sa kanilang mga pamilya na kailangan nilang tiisin dulot ng pang-ekonomyang pangangailangan. Sa kabilang banda, ang mga dalaga ay nakahahanap ng mga bagong posibilidad sa buhay sa pamamagitan ng pagtrabaho sa Malaysia. Partikular sa pamamagitan ng pag-aasawa, ang mga kababaihan ay unti-unti ring gumaganap ng mahalagang papel sa pagtatatag ng mahahalagang network panlipunan na tumatawid sa pambansang hangganan. |
Ang lalawigan ng Narathiwat ang may pinakamalaking porsyento ng populasyong Muslim sa Thailand (Thailand 2003), at ang isa sa pinakamababang antas ng kita sa Timog Thailand (Bank of Thailand 2001). Samantalang maraming tao sa mga pamayanang malapit sa timog na hangganan ay nakikilahok sa kalakalan, ang kawalan ng kapital ay naglilimita sa oportunidad para sa mga mahihirap na tagabaryo na maaari lamang magtrabaho bilang manggagawa para sa mga ligal at iligal na negosyante kapalit ng mababang sahod. Ang mga residente ng aking pamayanang pinag-aaralan ay naghahanap din ng trabaho sa karatig-bayan, subalit ang papahinang ekonomya ng lugar ay nagdulot na pakaunti nang pakaunting oportunidad para sa trabaho. Sa nakaraang mga dekada, lumalaking bilang ng mga Muslim na lahing-Malay mula sa mga pamayanan sa timog na hangganan ng Thailand ang nagtutungo sa Malaysia kung saan mayroong mas maraming trabaho para sa mas mataas na sahod. Sa mga mag-anak na nakapanayam ko sa aking pamayanang pinag-aaralan, may 70 porsyento ang may isa o higit pang kamag-anak na nagtrabaho sa Malaysia, at sa halos 20 porsyento ng mga mag-anak, isa o higit pang miyembro nito ay nag-asawa ng Malaysiano. Samantalang 8 porsyento lamang sa mga nakapanayam ko na lampas sa edad na 70 ang nanirahan o nagtrabaho sa Malaysia, halos 40 porsyento ng mga kabataan at nasa edad beynte ang nakapagtrabaho sa Malaysia. Habang ang mga relasyong panlipunan na tumatawid sa pambansang hangganan ay matagal nang
|
bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga naninirahan sa rehiyon sa timog na hangganan ng Thailand, ang pagdami at pagpalit ng mga padron ng pagtatawid sa hangganan ay nagbabago sa kaayusang panlipunan ng mga pamayanang ito. “Mas mabuti ang manatili sa sariling bayan”: Kalalakihan at Pagtatawid sa Hangganan Ang kalalakihan sa mga pamayanang Muslim na nagsasalita ng wikang Malay sa Timog Thailand ay may higit na kalayaan sa pagkilos at pagpasya kaysa sa kababaihan. Samantalang inaasam ng kababaihan ang mas malawak na kalayaang bukas sa kalalakihan, maraming lalaki ang naghihinanakit na, sa kasalukuyan, ay mas mabuti ang kalagayan ng babae kaysa sa kanila. “Hindi na katulad ng dati. Mas madali ang buhay para sa mga babae ngayon,” sabi ni Po Surome, isang byudo na nasa edad 50. “Pwede silang manahi, magtinda sa palengke, at magtrabaho sa bahay. Subalit ang mga lalaki ay walang trabaho [kung hindi sila aalis ng Thailand para maghanapbuhay].” Ang patuloy na kakulangan sa trabaho at ang nakabatay-sa-kasariang pagtingin sa kalalakihan bilang tagasustento sa mag-anak (bagamat sa kumbensyon ay hindi ito angkop sa aktwal na kundisyon ng ekonomyang pantahanan) ay nagtulak sa maraming lalaki na magtungo sa Malaysia para maghanapbuhay. |
Ang relatibong pakiramdam ng kalayaan na bukas sa mga lalaki sa sarili nilang mga pamayanan ay lumiliit sa kanilang pagtawid sa hangganan, at ito ay nagdudulot ng negatibong pagtingin sa kanilang mga karanasan sa Malaysia. Ang mayorya ng may-edad na kalalakihang nagtutungo sa Malaysia ay nakikilahok sa gawang konstruksyon, samantalang ang mga kalalakihang kabataan at nasa edad beynte ay maaaring magtrabaho sa mga restawran, konstruksyon, at pabrika. Karamihan ay nagtatrabaho sa Malaysia nang tourist visa lamang ang hawak. Karaniwa’y nagtatrabaho sila nang isang buwang tuluy-tuloy, madalas sa 10 hanggang 12-oras na work-shift nang walang araw pahinga at, matapos nito’y, bumabalik sa Thailand nang ilang araw bago muling magbalik at magtrabaho sa Malaysia. Kakaunti lamang ang mga nagpapatrabaho na handang tumulong sa kanilang mga manggagawa na makakuha ng work permit at, sa patuloy na paghihigpit ng imigrasyon sa Malaysia mula sa huling banda ng dekada 90, palaging kinakatakutan ng mga manggagawa ang maaresto. Tumitindi ang pakiramdam ng pakikiisa sa Thailand sa mga nanggaling sa pamayanang Muslim na nagsasalita ng Malay sa timog Thailand tuwing nasasaksihan nila ang diskriminasyon laban sa mga “dayo” sa kanilang pang-araw-araw na buhay sa Malaysia. Patung-patong
ang mga Thai na magasin at cassette tape ng musikang pop sa tinutuluyan
ng mga Thai na nagtatrabaho sa mga restawran sa Malaysia. Tuwing mayroong
soap operang Thai na ipinapalabas sa telebisyong Malaysiano,
nagkukumpulan ang mga manggagawang Thai sa mga restawran at matamang |
nanonood hanggang sa matapos ang programa. Madalas silang mag-usap sa wikang Thai tuwing sila-sila lamang ang magkakasama, laluna kapag pinag-uusapan nila ang kanilang mga pinagsisilbihang Malaysiano, kahit na kalimita’y Malay ang ginagamit nilang wika sa Thailand. Mas gusto ng mga manggagawa ang mga nagpapatrabaho na galing din sa Thailand at sinasabing, “Ang mga nagpapatrabahong Malaysiano ay panay pera ang nasa isip. Hindi nila kami naiintindihan at ang aming mga problema. Samantala, ang mga nagpapatrabaho naman na galing sa Thailand, magkababayan kami, kaya naiintindihan nila kami’t tinutulungan.” Ang mga Malaysiano ay madalas pinaghihinalaan ng mga manggagawa dahil sa di-mainam na pagtrato sa kanila bilang mga dayuhan at hindi pagtulong kung sakaling maaresto sila, hindi tulad ng mga nagpapatrabahong mula sa kanilang lupang sinilangan: Thailand. Tulad ng
mahihinuha sa mga nasulat na tungkol sa sektor panserbisyo, ang unti-unting
nagiging laganap na porma ng paggawang ito ay nangangailangan ng walang-patid
na negosasyon ng identidad at damdamin (Adams at Dickey 2000, Hochschild
1983; Parrenas 2001; Paules 1991). Sa interpersonal na trabahong pangserbisyo
tulad ng sa restawran at bahay, ang interaksyon sa pagitan ng manggagawa
at ng kliyente ang nasa puso ng paggawa; maaari itong magpalaganap ng
kasalukuyang herarkiya at maaari ring lumikha ng mga bagong hangganang
panlipunan. Ang pagpapatingkad sa kanilang identidad na “Thai” para maiba
sa nakapaligid na Malaysiano ay maaaring isang paraan para sa mga manggagawang
Thai na nagsasalita ng Malay para iwasang makita ang kanilang sarili bilang
“tagapaglingkod” na nakabababa sa kanilang mga pinagsisilbihang Malaysiano.
|
Ang mga kundisyong ito ay parehong mailalapat sa lalaki at babae. Sa kabila nito, sapagkat nagtatamasa sila ng relatibong mataas na antas ng kalayaan sa sarili nilang mga pamayanan, mas hilig ipagdiinan ng mga lalaki na ang Thailand—bilang “tahanan”—ay mas nagbibigay sa kanila ng kalayaan kaysa sa Malaysia, na “lugar nila [mga Malaysiano].” Dahil dito, maraming lalaki ang nagsasabing nagtatrabaho lamang sila sa Malaysia para sa salapi. “Nagpasya akong magpunta dahil sinabi ng aking mga kaibigan na masayang magtrabaho sa Malaysia, at pwede silang maglibot at kumita nang malaki,” sabi ni Ibrahim, kusinero sa isang restawran na Thai sa Kuala Lumpur. “Pero nang magpunta na ako mismo rito, naisip ko ‘maaari, pero masaya hanggang saan?’…Mas mabuti pa ang manatili sa amin.” Bago siya nagpunta sa Malaysia, nakahanap siya ng trabaho sa isang pabrika sa Bangkok sa pamamagitan ng mga kakilala ng kanyang pamilya. Nagpakita ng di-pag-unawa at diskriminasyon ang kanyang mga katrabahong Thai na Buddhista sa kanya at sa kanyang mga kaibigan, na tanging mga manggagawang Muslim na nagsasalita ng Malay sa pabrika. Sa kabila nito, sinasabi niyang mas gusto niyang manirahan sa Bangkok kaysa sa Kuala Lumpur kung isasantabi ang usapin ng pera, “sapagkat sa Bangkok, bayan namin iyon. Masaya roon. Pwede akong magpunta kahit saan at kahit kailan sa Bangkok. Dito, hindi ako makapunta kahit saan dahil kailangang mag-ingat sa pulis. Kaya nagtatrabaho ako tapos umuuwi. Medyo nakakabagot.”
|
Pagnanasa, Pangangasawa, at Pagbubuo ng Network: Ang Kababaihan at Pagtawid ng Hangganan Samantalang pinatitingkad ng mga kalalakihan ang mga limitasyon sa pagtrabaho sa “ibayong dagat,” ang mga dalaga ay mas maraming nakikitang oportunidad sa Malaysia maliban pa sa simpleng pagkita ng salapi. Ang mga naunang migrasyon ng manggagawa mula sa mga pamayanang Muslim na nagsasalita ng Malay sa timog Thailand patungong Malaysia ay dinomina ng kalalakihan. Ang mga babaeng nagpupunta roon ay kasama ang kanilang mga asawa o di kaya’y mga bujae—mga byuda o diborsyada. Ang pagpunta sa Malaysia para maghanapbuhay ay hindi bukas para sa isang ano daro, anak na dalaga, na ang pagkilos ay mahigpit na binabantayan (Fraser 1960, 199; Patya Saihoo 1974, 65-73). (Para sa dokumentasyon ng simula ng pagbabago sa kaugaliang pangkasariang ito, tingnan si Chavivun Prachuabmoh 1980, 176-178; Arin Sa-idi et al, 1993; Sawan Lertrit, 1992). Dekada otsenta nang ang mga dalaga’y nagsimulang magtrabaho sa Malaysia, kadalasa’y bilang katulong sa kabahayan ng Malay. Kadalasa’y mga bahay ito ng mga kamag-anak o kakilala ng mga kamag-anak. Samantalang nagbukas ito ng bagong daan para sa mga dalaga na magkaroon ng kalayaang pang-ekonomya, kakaunti lamang ang idinudulot nitong kalayaan sa usapin ng oras at mobilidad sa sandaling napaloob na sila sa pagawaan-bahay. Sa paglaon, habang mas malaking bilang ng mga babaeng Indones ang nagtrabaho bilang mga katulong sa mga tahanang Malay sa Malaysia (Chin 1998), nagsimulang magtrabaho ang mga dalagang Muslim mula sa timog Thailand sa mga restawran at tindahan ng pagkain sa mga bayan ng Malaysia. |
Si Mariam, na sa kasalukuya’y nasa edad 30, ay naranasan ang transisyong ito nang una siyang magtungo sa Malaysia sa huling banda ng dekada otsenta. Sa edad na labing-anim, matapos mag-aral sa isang pribadong paaralang Muslim nang apat na taon, nagpasya siyang magtrabaho sa Malaysia. Mayroon siyang mga kaibigan na nagtatrabaho na roon, at gusto niyang kumita at mamuhay tulad nila sa isang malaking syudad. Noong panahong iyon, karamihan sa mga magulang ng babae ay hindi pumapayag na magtrabaho sila sa mga restawran; walang makapagsasabi kung anong problema ang kanilang makakaengkwentro, laluna sa usapin ng lalaki. Subalit naisip nilang ligtas ang magtrabaho ang isang dalaga bilang katulong para sa kakilala o kamag-anak. Nagmakaawa si Mariam sa kanyang ina na kumbinsihin ang kanyang ama na payagan siyang magtrabaho bilang katulong sa isang bahay kung saan nagtatrabaho na ang isa niyang kaibigan. Subalit nabigo si Mariam sa kanyang trabaho sapagkat halos wala siyang kalayaan. Mahigpit siyang binabantayan ng kanyang amo na nagrereklamo tuwing lumalabas siya nang bahay, at sinasabi sa kanya na siya ay isang ano daro at hindi dapat kumilos nang di-naaayon. Ang sahod niya ay dalawang daang ringgit kada buwan, “pero dahil sa buwanang pag-uwi sa Thailand, walang natitira!” Samantala, ang ilan sa kanyang mga kaibigan ay nagsimulang magtrabaho sa isang restawran na Thai sa di-kalayuan. Naisip niyang mas interesante ang trabahong ito, kaya pagkatapos ng huli niyang uwi sa Thailand, hindi na lamang siya bumalik sa bahay kung saan nagtatrabaho siya bilang katulong. Sa halip ay nagpunta siya sa restawran na |
Thai kung saan nagtatrabaho ang kanyang mga kaibigan. Dahil kinakabahan siya sa pagtutol ng kanyang mga magulang, hindi niya sa kanila sinabi ang kanyang balak na magpalit ng trabaho. Sa kabila nito, nang nalaman ito ng kanyang mga magulang matapos ang isang buwan, hinayaan na lamang siyang magtrabaho sa restawran. May isang taon siyang nagtrabaho sa restawran bago ito napilitang magsara. Di nagtagal, kinasal siya sa isang Malaysianong parokyano nito. Bagamat mahigit isang dekada na siyang kasal sa Malaysiano, ang opisyal na pagkamamamayan ni Mariam ay hindi Malaysian. Naniniwala siya na ang kanyang mga naunang pamamalagi sa Malaysia bilang isang iligal na dayuhang manggagawa ay nagdidiskwalipika sa kanya. Dagdag pa, sinasabi niyang ayaw niyang “maging Malaysiano” sapagkat nais niyang manatiling khon Thai (taong Thai) at ayaw niyang baka sakali’y kunin sa kanya ang kanyang pagkamamamayang Thai. Kumportable siya sa pagkakaroon ng karapatan sa anumang maibibigay ng Malaysia sa pamamagitan ng kanyang pangangasawa at dalawang anak sa kanyang asawang Malaysiano. Halimbawa, sa nakaraang ilang taon ay nagamit niya ang mga kuneksyon ng kanyang asawa para ihanap ng trabaho ang kanyang kapatid na si Yusof sa Kuala Lumpur.
|