volume 10


NEWS


Hinggil kay Cheng Ho at Islam sa Timog-silangang Asya
Kong Yuanzhi
Mula 1405 hanggang 1433, sa kanyang pitong ekspedisyon sa ibayong-dagat, tumulong ba si Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam? Bagamat walang may-kaugnayang tala sa mga arkibong pangkasaysayan ng Tsina, maraming tala at kwento sa mga bansa sa Timog-silangang Asya na malinaw na nagpapakita na nakatulong si Cheng Ho sa pagpapalaganap doon ng Islam. Gayunpaman, tunay bang nagtutugma ang mga tala at kwentong ito sa mga istorikal na datos? Ang mga katanungan sa itaas ay nararapat pang talakayin, sapagkat ang pagsagot sa mga ito ay makatutulong sa atin na mas maintindihan ang mga ekspediyon at sapagkat ang papel ni Cheng Ho sa pag-unlad ng Islam sa Timog-silangang Asya ay bumubuo ng isang di-maihihiwalay na bahagi ng palitang kultural sa pagitan ng Tsina at Timog-silangang Asya. Sa mga susunod na bahagi, mas bibigyang-pansin ng may-akda ang mga diskurso ng mga dayuhang iskolar sa naging papel ni Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam sa Timog-silangang Asya, at ilalahad din ang kanyang pagtingin sa usaping ito.
Ang Islam sa Timog-silangang Asya bago ang ika-15 dantaon
Upang mas maintindihan at matalakay ang mga ginawa ni Cheng Ho kaugnay ng pagpapalaganap ng Islam sa Timog-silangang Asya, kinakailangang ipakilala nang pahapyaw ang kasaysayan ng Islam sa rehiyon. Saan at kailan unang dumating ang Islam sa Timog-silangang Asya? Ayon kina B.W. Andaya, isang iskolar sa New Zealand, at Ishii Yoneo, isang iskolar na Hapon, “sa hilagang Sumatra, sa bahaging pinakamalapit sa India at pugad ng Islam, kung saan unang dumaong ang Islam” sa Timog-silangang Asya.1 Ayon sa Ensiklopedi Indonesia, ang Islam ay unang dumating noong ika-13 dantaon sa hilagang Sumatra dala ng mga mangangalakal mula sa Persia at sa Gujarat sa Kanlurang India.2 Ang katwiran para rito ay batay sa ebidensyang matatagpuan sa lapida ng unang hari ng Kerajaan Samudra Pasai na namatay noong 1297, kung saan nakaukit ang “Sultan Malik As Salih” at iba pang mga salitang nagpapakita sa kanyang paniniwalang Islamiko.3 Dagdag pa, ang lapida ay nanggaling pa sa Cambai, sa Gujarat. Ipinapakita nito na ang Islam ay dumating sa Kerajaan Samudra Pasai mula sa Gujarat noong 1292 o 1297, sa pinakahuling pagtataya. Maraming iskolar ang sumusuporta sa pagtingin na ito.
Gayunpaman, may ibang mga iskolar na naniniwalang noong ika-7 at ika-8 dantaon, mayroong mga mangangalakal na Arabo na nagtungo sa Hilagang Sumatra at nagpalaganap sa Islam habang nagnenegosyo.4 Samantala, mayroon namang mga Muslim sa Indonesia na nagsasabing ang Islam ay unang dumating sa Indonesia galing sa Tsina. Halimbawa, minsan ay binanggit ni Abdurrahman Wahid, ang pinuno ng Nahdatul Ulama at dating pangulo ng Indonesia mula Oktubre 1999 hanggang Hulyo 2001, na ang Islam ay unang ipinalaganap sa arkipelagong Indones ng mga Tsinong Muslim.5 Naghain ng ikatlong pananaw si Propesor Dr. Nurcholish Madjid, isang kilalang iskolar ng Islam sa Indonesia, na ang Islam ay maaaring kumalat sa Indonesia mula sa subkontinente ng India o timog Arabia mula sa kontinente ng Tsina.6 Mayroon pa ngang nagpapalagay na nagmula ito sa lalawigan ng Yunnan, sa Tsina.7 Dagdag pa, may ilang iskolar na pumapalagay na ang Islam ay maaaring inihatid ng dalawang magkahiwalay na grupo: mga Muslim mula sa Champa sa silangan at mga Muslim mula sa India sa kanluran.8 Ang papel na ito ay hindi magpapalawig sa mga nabanggit na pananaw sapagkat ang mga ito ay mas lubos na tatalakayin sa iba pang papel.
Ayon sa mga istorikal na arkibo, ang Kerajaan Samudra Pasai ay itinatag bilang unang kahariang Islamiko sa Sumatra noong ika-13 na dantaon at naging sentro ng Islam sa rehiyon. Noong 1292, nang ang Italyanong manlalakbay na si Marco Polo ay pabalik ng Italya mula sa Tsina, humimpil siya sa hilagang Sumatra at natuklasan na marami sa mga residente doon ay yumakap sa Islam.9 Sa kanyang mga sulatin hinggil sa kaharian ng Perlak, sinabi niya na ang mga Muslim ay palaging nagpupunta at nagsesermon doon, tinuturuan ang mga taga-roon na maniwala sa Islam. Binanggit niya na ang ganitong mga paniniwala ay limitado sa mga taga-lungsod.10
Batay sa mga istorikal na tala, malamang na pagsapit ng ika-7 at ika-8 dantaon ay narating na ng mga mangangalakal mula sa Arabia, Persia, at India ang Sumatra. Halimbawa, sa kanlurang Sumatra ay mayroong lapida na tinatayang nagmula pa sa 674 BK.11 At ang lapida ni Fatimah binti Maimum bin hibat Allah, isang babaeng Muslim na namatay noong 1082, ay natuklasan sa isang bayan malapit sa Gresik sa silangang Java.12 Gayunpaman, may mga naniniwalang ang lapida ay saka na lamang idinala doon. Anu’t anuman, “kahit na sabihing ang petsa ay totoo, ang nakasulat ay nagpapahiwatig lamang sa pagkakaroon ng Arabo o Persiano doon bandang 1100. Walang ebidensya ng paglaganap ng Islam sa rehiyong ito hanggang sa mahabang panahon ang nakalipas.”13
Ang mga datos na ito ay nagpapatunay na mayroong mga Muslim sa Indonesia bago ang ika-13 dantaon. Gayunpaman, walang nakakakumbinsing ebidensya na mayroon nang mga pamayanan o kahariang Islamiko bago ang panahong ito. Maaari nating sabihin na ang unang kahariang Islamiko, ang Samudra Pasai, at ang unang pamayanang Islamiko, isang lote malapit sa Lhokseumawe sa Aceh Utara, ay parehong lumitaw sa ikalawang bahagi ng ika-13 dantaon.14 Gayunpaman, maski ito ay hindi nagpapatunay na ang Islam ay kumalat na sa buong Sumatra. Sa kanyang mga sulatin tungkol sa mga lugar na malapit sa Samudra Pasai, gaya ng Tamiang at Lambri, tinagurian ni Marco Polo ang mga naninirahan dito bilang mga tagasamba ng idolo (imahe), o mga di-Muslim, sabay banggit na ang pagsamba sa mga idolo ay ipinagbabawal sa Islam.
Samakatwid, maaaring sabihin na ang Islam ay dumating at naitatag sa Indonesia noong ikalawang bahagi ng ika-13 dantaon. Ang proseso mula sa panimulang pagpasok sa Sumatra tungo sa mas malawak na pagkalat ng pananampalataya sa mga isla tulad ng Java at Kalimantan ay aabutin pa ng ilang dantaon.
Sa kaso ng Peninsulang Malay, ang pinakamaagang tala ng Islam ay isang epitap na natuklasan sa Terengganu. Subalit ang petsa ay halos hindi mabasa dahil sa pagkawasak ng panahon.15 Ayon sa The Cambridge History of Southeast Asia, ang epitap na ito ay “tala ng utos ng hari sa mga lokal na opisyal… na itaguyod ang pananampalatayang Islamiko at ang mga turo ng apostol ni Allah, [at] mayroong petsang hijra… sa pagitan ng 702 at 789 AH (1313 at 1387 CE).” Isinulat ni Hall, isang Ingles na iskolar, na ang batong ito ay maaaring palatandaan ng hangganan sa pagitan ng rehiyong Islamiko at sona ng digmaan, at ang epitap ay nagpapahiwatig na hindi pa niyayakap ng mga mamamayan ang bagong relihiyon. Binigyang-pansin ni Hall ang testimonya ni Ibn Battuta na, sa pagitan ng 1345 at 1346, ang pinuno ng Peninsulang Malay ay hindi Muslim at, mula rito, ay nagpalagay na “Sa katunayan, kakaunti ang ebidensyang nagpapahiwatig sa pagkalat ng Islam sa Peninsula bago ang ika-15 dantaon.”16
Gayunpaman, sa Champa sa Indonesia, mayroong dalawang libingan ng Muslim na nagmumula pa sa maagang bahagi ng ika-11 na dantaon. Isinulat din ni Van Leur na mayroon Arabong lapida mula sa taong 1039 na natuklasan sa Champa. Subalit ayon muli sa The Cambridge History of Southeast Asia, “mula lamang sa ikalabingtatlong dantaon nagkaroon ng malinaw na ebidensya ng lokal na pagyakap sa pananampalatayang Muslim. At gayunpaman, ang impluwensyang Islamiko ay nakalimita sa mga hiwa-hiwalay na daungan sa kahabaan ng rutang pangkalakalan sa tabing-dagat”.17
Bago ang ika-13 dantaon, hindi na lamang ang mga nabanggit na libingan ang maaaring matiyak sa kasaysayan, kundi yaong sa mga Tsinong Muslim na rin. Halimbawa, sa ikalawang bahagi ng ika-9 na dantaon, matapos agawin ng rebelyong pinangunahan ni Huang Chao ang Guangzhou, maraming Tsinong Muslim, Arabo at Persianong mangangalakal na nakatira sa timog na baybayin ng Tsina ang lumikas patungong Palembang (Saramboja, Sumatra) at iba pang bahagi ng Timog-silangang Asya.18 Noong 943, nang dumaan ang isang Arabong nagngangalang Masudi sa Sumatra, nakakita siya ng maraming Tsinong nagsasaka sa pulo, na ang lahat ay mga nagsilikas sa kaguluhan.19 Matapos ang ika-11 dantaon, may ilang mga mangangalakal na Muslim mula sa Gujarat, India na nakikipagnegosyo habang nagpapalaganap sa Islam sa mga daungan ng Java, humihikayat hindi lamang sa mga taga-roon kundi sa mga Tsinong mangangalakal na naninirahan doon na yumakap sa Islam.20 Noong 1281, nagpadala ang Tsina ng dalawang sugong Muslim, sina Sulaiman at Shamsuddin, sa Melayu sa Sumatra.21
Dulot ng malawakang migrasyon mula sa Tsina tungo sa Timog-silangang Asya noong panahon ng Dinastiyang Yuan, mayroon nang mga Tsinong Muslim sa Java bago pa man ito narating ni Cheng Ho. Ayon sa Yi Guo Zhi (Talaan ng Ibang mga Bansa) ng Dinastiyang Yuan, naglalayag ang mga barko buwan-buwan mula Quanzhou sa Tsina patungong Tuban sa Java. Mayroon ding mga Tsinong nanirahan sa Java. Ayon sa Dao Yi Zhi Lue (Talaan ng Ibang mga Bansa at Kapuluan) na tinipon ni Wang Dayuan, matapos ilunsad ng pamahalaang Yuan ang pananakop sa Java, mayroong mga sundalong naiwan at namuhay kasama ang mga taga-roon. Sa katunayan, sa panahong iyon ay maunlad ang Islam sa Tsina, at marami sa mga kawal ay Muslim. Sa kanyang mga sulatin hinggil sa Majapahit noong ika-15 dantaon, inilarawan ni Ma Huan sa Ying Ya Sheng Lan (Pangkalahatang Sarbey sa mga Baybaying-dagat) ang tatlong uri ng mga naninirahan sa Java, na kinabibilangan ng mga migranteng Tsinong Muslim mula sa Canton, Zhangzhou, at Quangzhou, na ang marami ay puspusan ang pagkarelihiyoso.
Gaya ng nabanggit ng ilang mga iskolar, mayroon nang Islam sa ilang mga bahagi ng Timog-silangang Asya bago ang ika-15 dantaon, bagamat mabagal ang pagkalat nito. Mayroong dalawang dahilan para dito. Una, ang Brahmanismo at Buddhismo mula sa India ay matagal nang may malaking impluwensya sa Timog-silangang Asya; pangalawa, ang mga lokal na kaharian—ang Buddhistang Sri Vijaya noong ika-7 dantaon, ang Hindu na Majapahit noong ika-8 dantaon, at ang Buddhistang Ayutthaya noong ika-14 na dantaon—ay humarang sa pagkalat ng Islam.22
Si Zheng He at ang pagkalat ng Islam sa Timog-silangang Asya
Tuwing pinag-uusapan ang relasyon sa pagitan ni Cheng Ho at Islam sa Timog-silangang Asya, may mga iskolar na nagkakasundo na “ang mga ekspedisyon ni Cheng Ho ay nakatulong sa pagdurugtong sa Silangan at Kanluran sa pamamagitan ng pandagat na transportasyon, upang mapalawak ang mga pagkakaugnay sa pagitan ng Timog-silangang Asya at sa mundong Muslim at mapabilis ang pagkalat ng Islam doon.” Samantala, si Cheng Ho, bilang sugo ng Dinastiyang Ming, “ay sumuporta sa pagsasarili ng mga kaharian ng Melaka, nagpapasigla sa pagpapalaganap ng Islam.”23 Ang makroskopikong pagsusuri na ito ay hindi lamang kinakailangan kundi ay tapat din sa mga pangkasaysayang datos.
Gayunpaman, tuwing pinag-uusapang ng mga banyagang iskolar ang papel ni Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam sa ibayong-dagat, mas binibigyang-pansin nila ang kanyang mga gawain sa arkipelago ng Indonesia, partikular sa Java. Ang mga iskolar na Indones tulad nina Hamka, Mangaradja Onggang Parlindungan, Usman Effendi, Agus Sujudi, Roso, Hartono Kasmadi, Wiyono at Heru Christiyono; mga Indo-Tsinong iskolar na sina Liem Thian Joe at Benny G. Setiono; mga iskolar na Singaporeano na sina Lee Khoon Choy at Tan Yeok Seong; at mga iskolar mula sa Kanluran na sina D. E. Willmott at Robert Morrison ay pawang ganito ang pagtingin. Sa kanilang lahat, ang Tuanku Rao ni Mangaradja Onggang Parlindungan ang may pinakadetalyadong paglalarawan. Ang ibig sabihin ng tuanku ay “aking panginoon” na tumutukoy sa isang imam, samantalang ang Rao ay pangalan ng isang misyonaryong Muslim na nakatira sa Sumatra noong gitna ng ika-19 na dantaon; ang librong ito ay alay sa kanyang alaala. Ang ika-13 apendiks ng aklat, “Ang Papel ng mga Tsinong Tagasunod sa Hanafiyah sa Pagpapalaganap ng Islam sa Java (1411-1564),” ay madetalye ang pagtala rito. Sapagkat ang malaking bahagi ng apendiks ay tala ng Semarang at Cirebon na nakasulat sa Malay, mayroong mga iskolar na tumatawag ditong The Malay Annals of Semarang and Cirebon (Ang Talaang Malay ng Semarang at Cirebon).24 At sapagkat ang aklat, kasama ang apendiks nito, ay nakabatay sa mga materyal na nakalap sa templo ni Cheng Ho (templo ng Sam Po Kong) sa Semarang, tinatawag ito ng ibang mga iskolar na Kasaysayan ng Semarang o Kasaysayan ng Semarang at Cirebon.25 Bilang pagpapaikli, mula rito ay tutukuyin ito bilang Annals.
Ayon sa mga nabanggit na iskolar, ang mga gawain ni Cheng Ho na may-kinalaman sa Islam sa arkipelago ng Timog-silangang Asya ay maaaring ilagay sa dalawang kategorya: Una, nagdarasal siya sa mga moske sa rehiyon at nagtayo ng mga moske sa Java. Sinulat ni Mangaradja Onggang na, noong 1413, samantalang ang plotang ipinadala ng pamahalaang Ming ay nanatili sa Semarang nang isang buong buwan para sa pagkukumpuni, ang tatlong komandante—sina Cheng Ho, Ma Huan, at Fei Xin—ay madalas magdasal sa lokal na moskeng Tsino. Dahil sa pagsusumikap ni Cheng Ho mula 1411 hanggang 1416, nagkaroon ng mga pamayanan ng mga Tsinong tagasunod sa Hanafiyah sa Peninsulang Malay, Java, at Pilipinas, at nagtayo ng mga moske sa Antjol (Ancol sa Jakarta), Sembung, Lasem, Tuban, Gresik, Joratan (sa Cirebon), at Cangki (sa Mojokerto).26
Batay sa interpretasyon ng Tuanko Rao, sa pagkamatay ni Cheng Ho at pagwakas ng gawaing maritimo, tumigil ang pamayanang Tsinong Muslim sa pakikisalamuha sa mga lokal na naninirahan at ginamit ang mga moskeng itinayo ni Cheng Ho at ng kanyang mga tagasunod bilang mga templo para sambahin siya.27 Binanggit ni Heru Christiyono na ayon sa isang kwentong-bayan, ang yungib sa Semaran kung saan tumira sa Cheng Ho ay naging sentro para sa pagpapalaganap ng Islam;28 at noong 1411, nagtayo si Cheng Ho ng isang maliit na moske malapit sa yungib na ito.29 Gaya ng nabanggit na, sina Cheng Ho, Ma Huan, at Fei Xin ay nalalamang bumibisita sa lokal na moske noong 1413. Kung ang mga tala ay tumutugma sa mga pangkasaysayang datos, maaaring ipalagay na nagpunta si Cheng Ho sa Semarang noong 1411 at 1413. Sapagkat alam nating ang moske ang lugar kung saan isinasagawa ng mga Muslim ang kanilang mga ritwal at ipinapalaganap ang mga paniniwalang Islamiko, maaaring sabihin na tumulong si Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam sa pulo.
Pangalawa, nagtatag siya ng mga pamayanan ng mga Tsinong Muslim sa Timog-silangang Asya. Isinulat ni Parlindungan na, noong 1407, nakipaglaban ang plota at sinakop ang Kukang (Palembang), na matagal nang kontrolado ng mga Tsinong di-Muslim mula sa lalawigan ng Fujian. Dinakip nila si Chen Zuyi, ang pinuno ng mga pirata at ipinadala siya, na may bantay na mga kawal, sa Beijing (dito ay nagkakamali si Parlindungan; dapat ay sa Nanjing ito), kung saan siya ay pinugutan ng ulo sa harap ng maraming tao bilang babala sa mga migranteng Tsino mula sa Fujian. Matapos ito, itinatag sa Kukang ang unang pamayanan para sa mga Tsinong tagasunod ng Hanafiyah sa Indonesia at, sa taon ding iyon, nagtayo ng pamayanan ng mga Tsinong Muslim sa Sambas, Kalimantan.30 Noong 1416, nagtatag si Cheng Ho ng pangatlong pamayanan, sa hilagang-kanlurang Sumatra, malapit sa bukana ng ilog ng Batanggadis.31
Sa kanyang Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa Dan Timbulnja Negara-Negara Islam Di Nusantara, sinasabi rin ni Slamet Muljana na unang itinatag ni Cheng Ho ang pamayanan ng mga Tsinong Muslim sa Kukang at, matapos dito, sa Sambas at baybay-dagat ng Java at sa gayo’y ipinalaganap sa mga Tsino ang Islam ayon sa mga doktrina ng sektong Hanafiyah.32 Ayon kay Lee Khoon Choy, isang iskolar na Singaporeano, pagsapit ng 1430 ay nakapaglatag na si Cheng Ho ng matatag na pundasyon para sa pagpapalaganap ng Islam at nakapagtayo ng mga pamayanan ng mga Tsinong Muslim sa Tuban, Cirebon, Kukang, at Gresik.33 Binigyang-pansin din ni Chen Yu Song, isa ring iskolar na Singaporeano, na sa panahong ito nagsimulang maniwala ang karamihan ng mga migranteng Tsino sa Islam dulot ng ibayong suporta ni Cheng Ho. Tumulong din siyang magtayo ng mga pamayanang Muslim sa Kukang, Gresik, at marami pang ibang lugar upang ipalaganap ang Islam sa mga lokal na naninirahan.34
Tinalaga ni Cheng Ho ang ilang mga migranteng Tsinong Muslim na tumayong pinuno sa kanilang mga lokal na pamayanang Tsino, at nagkaroon ang mga ito ng mahalagang papel sa papapalaganap sa Islam. Ayon kay Parlindungan, noong 1419, tinalaga ni Cheng Ho si Bong Tak Keng, isang residente ng Champa na nagmula sa angkan ng mga migrante mula sa Yunnan, na mamahala sa lahat ng mga pamayanang Tsinong Muslim sa baybayin ng Timog-silangang Asya. Sa taon ding iyon, si Gan Eng Tju ay inatasan ni Bong Tak Keng na pamunuan ang mga Tsinong naninirahan sa Maynila (Luzon). Matapos ito, noong 1423, si Gan Eng Tju ay ipinadala ng kanyang lolo mula sa Maynila tungo sa Tuban, isang pangunahing Javanes na daungan, upang mamahala sa mga Tsinong Muslim sa Java, Kukang, Sumatra, at Sambas (Kalimantan). Sa pagkamatay ni Cheng Ho noong 1434, si Gan Eng Tju ang naging isa sa mga pangunahing pinuno ng mga Tsino sa Timog-silangang Asya. Noong 1443, inatasan niya si Swan Liong, dati’y Punong Tagapangasiwa ng Arsenal, na pamunuan ang mga Tsinong Muslim sa Kukang.
Noong 1445, si Bong Swee Hoo (1401-1481), ang apo ni Bong Tak Keng at manugang ni Gan Eng Tju, ay ipinadala rin sa Kukang para tumulong kay Swan Liong. Sa Indones, si Bong Swee Hoo ay tinawag na Raden Rachmat o Sunan Ngampel. Ang Sunan ay tumutukoy sa isang santo na gumawa ng malaking kontribusyon sa pagpapalaganap ng Islam sa Java, samantalang ang Ngampel ay pangalan ng isa sa siyam na mga pinakatanyag na santong Muslim doon. Sa pagitan ng 1451 at 1477, nagtatag siya ng mga pamayanang Muslim, na ang karamihan ay para sa mga lokal na Javanes, sa Ngampel, hilagang Java, at Madura.
Kapansin-pansin na samantalang si Cheng Ho ay nagsesermon sa wikang Tsino, si Bong Swee Ho, isang mula sa lahing Tsino na lumaki sa Java, ay nagsesermon sa wikang Javanes. Sa panahong ito, pinamunuan din niya ang mga pamayanang Tsinong Muslim sa hilagang Java, Madura, Kukang, at Sambas. Isinulat ni Slamet Muljana na, noong 1451, iniwan ni Bong Swee Hoo ang pamayanan ng Tsinong Muslim sa Bangil para magtungo sa lambak ng Ilog Mas at magturo sa mga naninirahan doon. Ang kanyang anak na si Bonang (1465-1525) ay hindi marunong magsalita ng wikang Tsino, at wikang Javanes ang ginamit niya upang ipalaganap ang mga doktrina ng Islam.35 Isinulat ng Tsino-Olandes na iskolar na si Sie Hok Tjwan na, pagsapit ng ika-16 na dantaon, maraming Tsinong Muslim sa hilagang Java ang gumagamit sa lokal na wika sa halip na salitang Tsino.36 Sa gayon, sa kalagayang ang mga lokal na Javanes ay nagdarasal pa rin sa mga idolo (ayon kay Ma Huan) noong ika-15 dantaon,37 ang pagpapalaganap nina Cheng Ho at ng kanyang mga Tsinong tagasunod ng Islam sa Java ay lubhang makabuluhan.
Si Djin Bun (o Orang Kuat, 1455-1518), ang anak-anakan ni Swan Liong at anak ng hari ng Majapahit sa isang utusang Tsino sa korta, ay tinawag ding Raden Patah. Siya ang nagpabagsak sa dinastiyang Majapahit na tumataguyod sa Buddhismo, at nagtatag ng kahariang Islamiko sa Demak, ang kauna-unahan sa Java. Ang kahariang ito ay nagkaroon ng mahalagang papel sa pagpapalaganap ng Islam sa Kalimantan at maging sa Java. Nong 1474, nang maglakbay si Djin Bun sa Semarang, nakatuklas siya sa isang moske ng imahe na nakaalay sa alaala ni Cheng Ho, kung kaya’t ito ay naging templo ni Cheng Ho at hindi moske sapagkat ang pagsamba sa imahe ay ipinagbabawal sa moske. Bilang relihiyosong Muslim, lubhang nabagabag si Djin Bun sa kanyang nakita at nagdasal at nanalig na tutulungan siya ni Allah na magtayo ng bagong moske doon sa di-nalalayong panahon. Natupad ang kanyang panalangin noong 1487, nang maitayo ang isang magarang moske na nakatayo pa rin sa Semarang hanggang sa kasalukuyan.
Tuwing pinag-uusapan ang pagpapalaganap ng Islam sa Java sa pagitan ng ika-14 at ika-16 na dantaon, nararapat nating banggitin ang siyam na santo (Wali Songo), na sinasabing mga pinakamahuhusay na misyonero sa Java at sinasamba ng mga lokal na Muslim.38 Ano ang kaugnayan ni Cheng Ho sa siyam na santo? Sa siyam na ito, si Bong Swee Hoo, o Sunan Ngampel, ang pinakaimportante. Ang kanyang mga anak na lalaki na sina Sunan Bonang at Sunan Drajat ay mga santo rin. Si Sunan Giri ay nag-aral sa Pesantren na inorganisa ni Sunan Ngampel at sa gayo’y estudyante rin ni Bong Swee Hoo.
Tuwing pinag-uusapan ang mga ambag ni Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam, palaging binabanggit ng mga iskolar na Indones si Raden Paku, o Sunan Giri. Noong 1407, sa tulong ng Tsinong Muslim na si Shi Jinqing, natalo ng plota ni Cheng Ho si Chen Zuyi, pinuno ng mga pirata sa Sumatra. Bilang pagkilala rito, si Shi Jinqing ay ginawaran ng karangalang militar ng Emperador na Cheng ng dinastiyang Ming. Noong 1421, sa pagkamatay ni Shi Jinqing, ang kanyang anak na si Shi Jisun at ang ikalawa sa panganay na kapatid niyang babae ay nag-agawan sa posisyon at, noong ika-8 ng Enero 1424, sa pagitan ng kanyang ika-6 (1421-1422) at ika-7 (1431-1433) na ekspedisyon, naglakbay si Cheng Ho patungong Kukang upang resolbahin ang tunggalian. Ang panganay na anak na babae ni Shi Jinqing, na kilala sa pangalang Nyai Gede Pinatih, ay nagtungo sa Java dahil sa awayan ng mag-anak. Naging kilala siya para sa kanyang masigasig at matagumpay na pagpapalaganap sa Islam sa silangang Java at naging iniina ni Raden Paku, na nagbuhos ng kanyang sarili sa pagpapalaganap ng Islam sa rehiyon ng Surabaya. Nang magpadala ang Majapahit ng mga tropa upang kitilin ang kanyang gawain, si Raden Paku, na isang matalino at matapang na lalaki, ay namuno sa kanyang mga kapwa Muslim at tumalo sa mga mananalakay. Ayon sa Ensiklopedi Indonesia, si Raden Paku ay inilibing sa bulubundukin ng Giri malapit sa Gresik, kung kaya’t tinawag siyang Sunan Giri. Ang tatlong importanteng taong ito—sina Shi Jinqing, Nyai Gede Pinatih, at Raden Paku—ay masasabing may utang na loob sa unang pamayanang Tsinong Muslim sa Indonesia na itinatag ni Cheng Ho sa Kukang noong 1407.
Si Sunan Kalijaga, anak ni Gan Eng Tju at bayaw ni Bong Swee Hoo, ay tinuruan din nina Bong Swee Hoo at ng kanyang anak na si Sunan Bonang. Si Sunan Muria ay anak ni Bonang at sa gayo’y apo ni Bong Swee Hoo. Kabilang sa iba pang walong santo, ang lima ay masasabing magkakamag-anak, maaaring sa dugo o sa pagiging guro-estudyante, ni Bong Swee Hoo. Sa kanyang The 6th Overseas Chinese State, sinabi ni Sie Hok Twjan, isang Tsino-Olandes na iskolar, na sa siyam na santo ng Java, ang pito ay may lahing Tsino.39 Si Djin Bun, na nagpabagsak sa paghahari ng dinastiyang Majapahit, ay napangasawa ang anak ni Sunan Giri na si Raden Paku, at isa ring disipulo ni Sunan Bonang, bagamat hindi siya santo.
Ang susing personahe sa siyam na santo, si Bong Swee Hoo, ay apo ni Bong Tak Keng, na ipinadala ni Cheng Ho sa Champa noong 1413 upang pamunuan ang mga pamayanan ng Tsinong Muslim sa Timog-silangang Asya.40 Mas mahalaga, ang pagsusumikap ni Cheng Ho na magtatag ng mga pamayanan ng Tsinong Muslim sa Champa, Pilipinas, peninsulang Malay, at arkipelagong Indones noong unang 30 taon ng ika-15 dantaon ay lumikha ng mainam na kundisyon para sa paglitaw ng anim na santo at sa kanilang pagtuturo noong ika-15 at ika-16 na dantaon, at sa gayo’y nagbigay ng puwang para sa mga lokal na pinuno ng mga Tsinong Muslim na pag-ibayuhin pa ang pagpapalaganap sa Islam sa mga sumunod na henerasyon. Sa pamumuno ni Bong Tak Keng sa mga pamayanan ng Tsinong Muslim sa Champa at ni Gan Eng Tju sa Pilipinas, tiyak na ang impluwensya ng mga pinunong Tsinong Muslim ay hindi lamang limitado sa Java at Sumatra sa arkipelagong Indones kundi ay lumampas pa sa ibang mga bahagi ng Timog-silangang Asya.
Ang mga tagumpay na ito sa pagpapalaganap ng Islam sa Timog-silangang Asya ay lubos na pinahahalagahan ng mga lokal na iskolar at iba pa. Minsan ay kinilala ni Buya Hamka, isang tanyag na pinunong Muslim sa Indonesia, ang malapit na relasyon sa pagitan ng pag-unlad ng Islam sa Indonesia at Malaya at sa almiranteng Tsinong Muslim na si Cheng Ho.41 Sinabi rin ni Hamka na si Cheng Ho ay hindi hinirang ng Emperador na Cheng ng Ming na pamunuan ang mga ekspedisyon upang ipalaganap ang Islam; gayunpaman, ang kanyang kapasyahan ay hindi lamang nagpalawak sa kapangyarihan ng pamahalaang Ming sa kapuluang Malay (kabilang na rin ang mga pulo sa arkipelagong Indones) at sa peninsulang Malay, kundi ay nagtagumpay rin sa pagpapalakas sa mga lokal na rehimeng Islamiko. Sapagkat kinilala ng Tsina ang mga bansang Islamikong ito, nakaligtas ang mga ito sa agresyon mula sa Siam at Majapahit. Sa paglaho ng Pasai sa hilagang Sumatra, ang Melaka ang naging sentro ng Islam sa rehiyon, at kinilala ito ng Emperador na Cheng. Bilang pangwakas, binanggit ni Hamka ang isang isinahimpapawid na talumpati ni Fatemi, isang propesor na Pakistani, kung saan sinabi nito na ang Islam sa Timog-silangang Asya ay may kinalaman kay Almirante Cheng Ho.
Sa mga popular na pahayagan, nakasulat sa ika-14 ng Setyembre 1985 na edisyon ng Tempo, isang magasin na Indones, na tulad ng ibang mga relihiyosong Muslim, si Cheng Ho ay nagsagawa ng mga pagsesermon tuwing nagpupunta siya sa Java.42 Sinabi rin dito na ang mga gawaing panrelihiyon ni Cheng Ho ay hindi lamang nalimita sa Indonesia at Brunei kundi ay umabot pa sa Melaka at ibang mga kaharian,
Ayon sa Ingles na misyonerong si Robert Morrison (1782-1843) ang Java ang pinakamayamang pulo sa Timog-silangang Asya at ipinasalamat kay Cheng Ho (na tinagurian niyang Muslim na pari na may mga kawal) ang pagkumbinse sa mga Javanes na talikuran ang pagsamba sa mga idolo at yakapin ang Islam noong 1405.43 Sinasalamin nito na noong unang bahagi ng ika-15 dantaon, totoo nga na ipinapalaganap ni Cheng Ho ang Islam sa Java. Gayunpaman, ang paggamit ni Cheng Ho ng dahas ay taliwas sa mga datos pangkasaysayan. Hanggang sa kasalukuyan, walang artikulo o aklat ang bumabanggit sa ganitong karahasan. Bagkus, minsan ay isinulat ni Wang Juesheng, isang Tsino sa ibayong-dagat, na: “Sa panahon ng dinastiyang Ming, nagtungo si Cheng Ho sa hilaga ng Makassar sa pulo ng Celebes at iginawad ang titulo ng pagkahari sa isang lokal na pinuno na tumalikod sa Buddhismo at yumakap sa Islam.”44
Sa templo ni Cheng Ho sa Semarang, mayroong malaking tambol kung saan ay nakaukit ang apat na Tsinong karakter na Mo Ren Lan Yin. Binabasa ito ng ilang mga iskolar na Indones rito bilang “sumasambit ng mga kataga mula sa Koran”.45 Noong 1993, nang dinalaw ng may-akda ang templo, hindi niya nakita ang tambol kundi isang plake kung saan nakaukit ang mga Tsinong karakter na ito. Ayon sa mga kaibigan, ang gusali ay itinayo ni Cheng Ho mismo bilang moske, subalit binago sa kalaunan ng mga lokal na Tsinong naniniwala sa Buddhismo, Taoismo, o Confucianismo bilang templo ni Cheng Ho. Gayunpaman, paulit-ulit na ipinapaalala ng plake na ito na huwag kalimutan na si Cheng Ho ay isang tapat na Muslim. Ayon sa isang laganap na kwento sa Indonesia, nag-ayuno si Cheng Ho sa panahon ng Ramadan noong nasa Java siya.46 Dagdag pa, maraming sinasabi ang ilang banyagang iskolar tungkol sa pagpapalaganap sa Islam ni Wang Jinghong, isang sugo sa plota ni Cheng Ho. Ayon kay Amen Budiman at iba pang iskolar, habang naglalayag ang plota ni Cheng Ho sa baybay-dagat ng hilagang Java, si Wang Jinghong ay biglang nagkasakit at iniutos ni Cheng Ho na idaong ang plota sa Semarang upang mapagamot si Wang. Makalipas ang sampung araw, nagpatuloy si Cheng Ho sa kanyang paglalakbay at iniwan si Wang na may kasamang sampung utusan para magpagaling. Subalit matapos siyang gumaling, hindi na si Wang humabol sa plota kundi ay nanatili na lamang. Dala ng kanyang pagkagusto sa kanyang bagong tahanan, tinuruan niya ang mga lokal at Tsinong magsasaka kung paano magsaka at makipagnegosyo at nagturo ng doktrinang Muslim. Nanatili si Wang sa Semarang hanggang sa siya ay namatay sa edad na 78 at inilibing alinsunod sa mga ritwal na Islamiko ng mga lokal na residente na ang tawag sa kanya ay “nabigador ni Panginoong Cheng Ho at Muslim na imam.”47 Ayon sa lokal na kwentong-bayan, “si Wang Jinghong ay isang napakarelihiyosong Muslim.”48
Mga katanungan hinggil sa papel ni Cheng Ho sa pagpapalaganap sa Islam sa Timog-silangang Asya
Mga dahilan kung bakit ipinalaganap ni Cheng Ho ang Islam sa ibayong-dagat
Una, sa maagang panahon ng dinastiyang Ming, ang Islam ay nagtatamasa ng walang-katulad na pag-unlad sa Tsina, bagay na naglatag ng mga paborableng kundisyon para sa pagpapalawak nito sa ibang mga bansa. Sing-aga ng panahon ng dinastiyang Yuan, nagpatupad ang pamahalaan ng patakaran ng “pamumuno sa mga mamamayan ayon sa kanilang mga kaugalian” at sa gayon, ang Islam, Buddhismo, Taoismo, at Lamaismo ay pawang pinangalagaan ng pamahalaan. Noon ding panahon ng dinastiyang Yuan, nagkalat ang mga Muslim sa Tsina. Iniulat ni Ibn Battuta na sa lahat ng syudad ng Tsina ay may matatagpuang mga pamayanang Muslim na nagtatayo ng kani-kanilang moske.49 Ayon sa History of the Ming Dynasty: Biography of Samerqhan, “May mga Muslim sa lahat ng lugar noong panahon ng dinastiyang Yuan.” Sa huling banda ng dinastiyang Yuan, maraming Muslim na kumander ng militar at kawal (tulad nina Chang Yuchun, Mu Ying at Hu Dahai) na nakilahok sa rebelyong pinangunahan ni Zhu Yuanzhang. Inilarawan din nito na “sa mga tsanselor na nakapalibot sa emperador, mahigit kalahati ay mga Muslim.” Ang unang emperador ng dinastiyang Ming ay nagpatupad ng patakaran ng pagpapahinanon sa mga Muslim, at nag-utos ng pagtatayo ng mga moske, at siya mismo ay sumulat ng isang himno na may isang daang karakter na pumupuri sa Islam at kay Mohammed para sa kanyang “natatanging kakayahan sa pagturo at eksorsismo” at para sa kanyang katangian bilang “banal na panginoon”.50 Noong 1382, naglabas ang emperador ng kautusan na nagpapatayo ng monumento na may personal niyang iskripsyon sa isang moske sa pasilyo ng Daxuexi, sa Xi’an. Ang nakasulat dito ay: “Kung sakaling gumuho ang moske, ang muling pagtatayo rito ay kailangang gawin sa lalong madaling panahon nang walang pag-atubili.” Sa unang bahagi ng dinastiyang Ming, bumubuo na ang mga Muslim ng isang grupong etniko sa Tsina na kung tawagin ay Hui. Noong ika-11 Mayo 1407, ang emperador na Cheng ng dinastiyang Ming ay naglabas ng dekreto para protektahan si Mili Haji, isang dayuhang Muslim na nakatira sa Tsina, na nagsasabing siya ay “tapat sa kanyang pananampalataya at may magandang kalooban, mapagkawanggawa at nagbibigay ng payo sa iba. Relihiyoso, tapat, mapagkawanggawa at mapagkakatiwalaan, ang ginagawa niya ay nararapat na purihin”; sa gayon, patuloy ng dekreto, “dapat siyang igalang at protektahan.” Inutos din niya na “walang sinumang opisyal, opisyal militar, o residente ang maaaring mag-insulto sa kanya. Ang sinumang lalabag sa kagustuhan ng emperador ay mahigpit na parurusahan.” Ang dekretong ito ay nagbibigay ng lubos na ekspresyon sa paggalang na ipinakita ng mga emperador ng Ming sa Islam sa kanilang determinasyon na pangalagaan ang mga Tsino at dayuhang Muslim na naninirahan sa Tsina. Lahat ng ito ay tumulong sa paglaganap ng Islam sa Tsina at lumikha ng mga paborableng kundisyon para ipalaganap ni Cheng Ho ang kanyang relihiyon sa ibayong-dagat.
Pangalawa, sapagkat Muslim si Cheng Ho, dakilang tungkulin niyang ipalaganap ang Islam. Ipinanganak si Cheng Ho sa isang pamilyang Haji at, noong 1417, ay nagbigay-pugay siya sa mga libingan ng kanyang mga ninunong Muslim sa Bundok Ling at nagdasal sa Bulubundukin ng Jiuri sa Quanzhou. Noong 1413, ipinaayos ni Cheng Ho ang moske sa Xi’an at, bago ang kanyang ika-7 ekspedisyon, ay umapela sa korte para sa pagpapaayos sa moske sa Nanjing. Bago siya lumayag, nirekluta niya ang mga opisyal na Muslim na sina Ma Huan, Ha Shan, Guo Chongli, at Sha Ban para samahan siya. Ang mga ginawa niyang ito, na nagpapakita sa kanyang kagustuhan at determinasyon na ipalaganap ang Islam, ay mababasa sa mga talang istorikal. Hindi malayong isipin na sa kanyang paglalakbay ay hindi nakalimutan ni Cheng Ho ang mga tungkulin at obligasyong ito. Dagdag pa, sa pamamagitan ng kanyang mga pagsusumikap na ipalaganap ang Islam, nagkaroon siya ng malapit na relasyon sa mga lokal na pinuno at mga residente, bagay na nakatulong sa kanyang mga ekspedisyon.
Isinulat ni Sumanto Al Qurtuby, isang iskolar na Indones, na sa halos lahat ng mga syudad na kanyang pinuntahan ay nag-iwan si Cheng Ho hindi lamang ng mga diplomatiko kundi mga misyonerong Muslim. Sa gayon, habang ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin sa korte, taglay din niya bilang Muslim ang motibong ipalaganap ang Islam.51
Pangatlo, maraming bansa sa Timog-silangang Asya ay nasa panahon ng transisyon mula sa pangingibabaw ng Buddhismo tungo sa pangingibabaw ng Islam, at ang mga gawain ni Cheng Ho ay sumagot sa pangangailangang ito. Gaya ng nakatala sa mga sinaunang arkibo, dinalaw ni Cheng Ho ang Java sa lahat ng kanyang mga ekspedisyon maliban sa pang-anim. Sa panahong ito, sa unang bahagi ng ika-15 dantaon, ang Java ay nasa transisyunal na panahon; mahigit isang dantaon muna ang lilipas bago lubusang maitanim ang Islam. Sa kanyang pagpapakilala sa kasaysayan ng mga moske sa Java, isinulat ni Aboebakar na “Sa gitna ng ika-15 dantaon, karamihan ng mga residente ng Java ay naniniwala sa Buddhismo, at iilan lamang ang Muslim.”52 Hinggil kay Sunan Ngampel at ang impluwensya ng Tsinong Islam sa Indonesia nang may pagsasaalang-alang sa epekto ng iba’t ibang sekto ng Sunni, isinulat ni Slamet Muljana na hanggang sa pagsapit ng ika-13 dantaon, ang Hanafiyah ay sinusunod lamang sa Asya Sentral, hilagang India, at Turkiya, at dumating lamang ito sa Tsina matapos ang pananakop ni Ghinggis Khan. Sa gayon, ang pagkakaroon ng Hanafiyah sa hilagang baybay-dagat ng Java noong ika-15 dantaon ay tumuturo sa pagdating ng Islam mula sa Tsina. Kung ito ay nagmula sa Melaka o silangang baybay-dagat ng Sumatra, hindi ito naging Hanafiyah kundi ay Shafiiyah o iba pang sekto.53 Ang pagpapalaganap ni Cheng Ho at ng kanyang mga tagasunod sa Islam noong ika-15 dantaon ay sagot sa pangangailangan ng panahon, at Hanafiyah ang kanilang ipinalaganap.
Pang-apat, ang mga gawain ni Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam sa Timog-silangang Asya ay isinagawa sa mapayapang paraan at mahigpit na nakaugnay sa mga gawaing komersyal. Ang pangunahing misyon ng mga ekspedisyon ni Cheng Ho ay “magtaguyod ng kabutihan at moralidad upang isulong ang payapang relasyon sa ibang mga bansa,” para lumikha ng payapang kalagayang pandaigdig tungo sa pagpapatibay sa paghahari ng pamahalaang Ming. Sa kanyang mga ekspedisyon, tatlong beses lamang gumamit ng dahas si Cheng Ho at para lamang ipagtanggol ang sarili. At ayon sa mga matatagpuang arkibo sa ibayong-dagat, payapa ang pamamaraan ni Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam.
Anuman ang paraan ng pagpapalaganap sa Islam, kung sa pamamagitan ng network ng mga Tsinong Muslim o sa pag-unlad ng mga pamayanan ng mga Tsinong Muslim at ang kanilang integrasyon matapos ang kanyang pagyao, ang paraan ni Cheng Ho ng pagpapalaganap sa Islam ay payapa at ang tradisyong ito ay ipinagpatuloy ng mga sumunod na henerasyon. Ayon sa Annals, noong 1413 ay inatasan ni Cheng Ho si Bong Tak Keng na nakatira sa Champa na magsilbing pinuno sa lahat ng mga pamayanan ng mga Tsinong Muslim sa Timog-silangang Asya. Pagkatapos ay inatasan ni Bong Tak Keng si Gan Eng Tju na mangasiwa sa administrasyon ng mga pamayanan, una sa Pilipinas at, matapos, sa Indonesia. Walang bahid ng karahasan dito. Maraming Tsinong Muslim na pinuno na masasabing may utang na loob kay Cheng Ho ay nagpatuloy sa payapang tradisyon na ito sa kanilang pagtuturo. Ang ilang mga kaso sa Annals ay nagpapahiwatig sa payapang pamamalakad. Halimbawa, sinasabi sa tala para sa 1478 na: “Si Hiji Bong Swee Hoo ay hindi kailanman nagkaroon ng pakikipagtunggali sa mga naninirahang naniniwala sa Buddhismo.” Sa pagitan ng 1478 at 1529, sinasabi na: “Pinamunuan ni Haring Shan ang Semarang nang halos 50 taon. Minahal niya ang kanyang mga sinasakupan at prinotektahan silang lahat anuman ang kanilang paniniwalang panrelihiyon.” Walang ipinapakitang galit o diskriminasyon, hinirang pa nga ni Haring Shan si Gan Shi Chang, anak ni Gan Eng Tju, na tumalikod sa kanyang Islamikong paniniwala, na maging pinuno ng mga Tsinong di-Muslim sa Semarang.
Ayon kay Hamka, “Ang pagpasok ng Islam sa mga bansang Malayo (tinutukoy rito ang mga bansa sa arkipelagong Indones at peninsulang Malay kung saan ang wika ay Malay, ibig sabihi’y ang mga bansang Indonesia, Malaysia at Brunei) ay may sariling katangian: payapa at dahan-dahang proseso na walang pamimilit. Kusang-loob at unti-unti itong niyakap ng mga naninirahan.”54
Ang mga unang dayuhang misyonero sa Timog-silangang Asya ay mga negosyanteng Muslim, at sila ang naging pinakaaktibo sa paligid ng mga daungan tulad ng Tuban, Gresik, Surabaya, at Mojokerto sa Java; Kukang sa Sumatra; at Melaka sa Peninsulang Malay. Dapat bigyang-pansin na ang Islam ay dumating sa Indonesia kasabay ang komersyo, na nagpasigla sa mga negosyo roon, at naging malaking hakbang sa pagpasok ng Indonesia sa Panggitnang Panahon. Isa pang halimbawa. Si Maulana Malik Ibrahim, isa sa siyam na santo ng Java, ay isang negosyante. Ipinanganak siya sa Gujarat, India, namuno sa isang misyon patungo sa Java noong 1379, at namatay noong 1419.
Sa paglalarawan ng pangkabuuang pag-unlad ng Islam sa Timog-silangang Asya sa pagitan ng huling banda ng ika-13 dantaon at unang bahagi ng ika-16 na dantaon, isinulat ni M. C. Ricklefs, may-akda ng The History of Indonesia na: “Ang mga lugar kung saan ito ay pinakamatatag ay yaong mga pinakamahalaga sa kalakalang pandaigdig: ang mga baybay-dagat ng Sumatra sa Kipot ng Malacca, ang peninsulang Malay, ang hilagang baybay-dagat ng Java, Brunei, Sulu at Maluku.”55 At ang mga lugar na nabanggit ay madalas ring bisitahin ng plota ni Cheng Ho. Ang nararapat bigyan ng ibayong pansin ay sa mga lugar na ito pinakaaktibo ang mga pribadong negosyanteng Tsino at mga Tsinong Muslim. Sa gayon, malinaw na sa Timog-silangang Asya noong ika-15 dantaon, ang mga ruta at itineraryo ng mga paglalayag ni Cheng Ho, ang network ng mga pribadong negosyanteng Tsino, at ang network para sa pagpapalaganap ng Islam ng mga Tsinong Muslim ay nagsanib, nag-ugnayan, at nakatulong sa isa’t isa.
Sinasabi ng mga iskolar na Olandes na nagsagawa ng malalimang pananaliksik sa kasaysayan ng Islam sa Indonesia na, sa maagang panahon ng pagkalat ng Islam sa Java, ang paggigiit ng pagkakapantay-pantay ng lahat anuman ang kanilang angkan, katayuan sa lipunan, at tribong pinagmulan ay naging pinakakayaaya sa mga negosyante at manggagawa sa piyer mula sa iba’t ibang lugar at karanasan bagama’t ang mga negosyante ang nasa panggitnang uri. Sa ganitong pagkakaintindi, nakatulong ang Islam sa pagtatayo ng pantay-pantay at payapang relasyon sa pagitan ng mga mamamayan. Dagdag pa, ang konsepto nito ng pagkakapantay ng mag-asawa ay malaking kaibahan sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao.56 Binanggit din nila na si Nyai Gede Pinatih, ang panganay na anak na babae ni Shi Jinqing, ay isang mayaman na negosyante sa Gresik sa silangang Java. Ang kanyang ampon na si Sunan Giri, isa sa siyam na santo ng Java, ay naglayag din patungong timog Kalimantan para makipagnegosyo. Isinulat ni Tan Yeok Seong, hinggil sa mga pagtuturo ni Cheng Ho sa Kalimantan na: “Sa suporta ni Cheng Ho, lumitaw ang isang lambat ng impluwensya, at ang relihiyon at kalakalan ay nagsanib. Sa pamamagitan ng Islam, lahat ng mga Muslim, anuman ang kanilang pagkamamamayan, ay naging mga panginoon ng negosyo. Ang tagumpay sa kalakalang-dagat ay tumulak naman sa pag-unlad ng Islam.”57 Lahat ng ito ay nagpapakitang ang paglaganap ng Islam sa arkipelagong Indones ay malapit ang kaugnayan sa pag-unlad ng kalakalan at ang ilang tanyag na Muslim ay mayayamang negosyante rin.
Samantala, nararapat ding bigyang-pansin ang tulong na ibinigay ng mga pamayanan ng mga Tsinong Muslim sa Timog-silangang Asya sa paglalayag ni Cheng Ho. Sa ikalawang bahagi ng Annals, nakasulat na noong 1415, dahil sa pagdating ng plota ni Cheng Ho ay nagtayo ang mga Tsinong Muslim sa Sembung at iba pang mga bayan ng mga pamayanan, na ang bawat isa ay may sariling moske. Ang bayan ng Sembung ay inatasang mag-suplay ng kahoy na teak para sa pagkukumpuni ng mga barko ng plota, ang isa namang bayan ay inatasang asikasuhin at kumpunin ang mga barko, at ang ikatlo ay tagabantay ng mga parola. Ang tatlong bayang Muslim na ito ay sama-samang naging responsable para sa lohistikal na probisyon ng plota.
Dagdag pa rito, ang pangangasawa sa pagitan ng mga migranteng Muslim at lokal na kababaihan ay isa pang katangian ng pag-unlad ng Islam sa Indonesia. Ang mga Tsinong Muslim sa siyam na santo ay bunga ng mga pangangasawang ito. At ang pangangasawa ng kusinero ni Cheng Ho kay Sitiwati, isang mananayaw sa Jakarta, ay isang halimbawa. Malamang na ang kusinerong nabanggit ay Muslim din, sapagkat sa kanilang pagpanaw, ang dalawa ay inilagay sa iisang libingan, at ang kanilang libingan ay itinuturing na sagrado.58 Lahat ng mga datos na ito ay tumutugma sa mga Islamikong paniniwala hinggil sa pagkakapantay-pantay ng mag-asawa anuman ang kanilang angkan, katayuang panlipunan, at tribo.
Batay sa mga nabanggit na halimbawa, malaki ang posibilidad na si Cheng Ho ay naging abala sa pagpapalaganap ng Islam sa Indonesia at ang kanyang mga ginawa ay lubhang mahalaga sa panahong iyon. Sa kanyang artikulong “Cheng Ho,” isinulat ni Hamka na: “Maaaring ipalagay na ang mga tumulong sa pagpapaunlad ng Islam sa ating bansa (ibig sabihi’y Indonesia) ay kinabibilangan hindi lamang ng mga Arabo, Persiano, Indian, Malabaren, at Gujarati, kundi ng mga Tsinong Muslim din.” Gayunpaman, isinulat din niya na kulang pa ang pananaliksik sa mga ambag ni Cheng Ho sa pag-unlad ng Islam sa Indonesia. Hanggang sa kasalukuyan, ang imahe ni Cheng Ho ay nalilimita pa rin sa mga idolong nasa altar ng mga templo para sa kanya sa Semarang at iba pang mga lugar at kwentong-bayan. Sa gayon, nananawagan si Hamka sa mga iskolar na nakatutok sa kasaysayan ng Islam sa Indonesia na pag-ibayuhin pa ang pag-aaral kay Cheng Ho.59 Noon ding 2003 sa Second International Symposium on Cheng Ho, binigyang-pansin ni Aa. Kustia, ang ambahador ng Indonesia sa Tsina, na “sa Indonesia, si Cheng Ho ay mas kilala bilang karakter sa alamat kaysa sa tunay na tao sa kasaysayan.”60
Mga posibleng dahilan ng kakulangan ng sistematikong pananaliksik ng mga iskolar na Tsino at dayuhan sa papel ni Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam sa ibayong-dagat
Ang pangunahing dahilan ay ang kakulangan ng kaugnay na materyal. Ang History of the Ming Dynasty at iba pang mahahalagang talang pangkasaysayan ng Tsina ay walang banggit sa mga gawaing panrelihiyon ni Cheng Ho sa ibayong-dagat, at madalang banggitin ang mga ito sa mga kaugnay na talambuhay o nobela. Kapansin-pansin na si Ma Huan, isang Muslim na sumama kay Cheng Ho sa ilang mga ekspedisyon, ay walang itinala tungkol sa pagtuturo ni Cheng Ho sa kanyang The Overall Survey of the Ocean Shores, na detalyadong naglalarawan sa mga Muslim at gawaing Islamiko sa mga bansang kanilang binisita. Gaya ng nabanggit sa itaas, inilalarawan niya ang mga Muslim bilang isa sa “tatlong uri ng maninirahan” ng Java: “Ang isang grupo ay ang mga Muslim na migrante mula sa Kanlurang Asya na nagnenegosyo, at sila ay repinado at malinis sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang isa pang grupo ay ang mga Tsinong Muslim mula sa Guangdong, Zhangzhou, at Quanzhou, na ang pamumuhay ay kasing-pino at linis. Karamihan sa mga ito ay nag-aayuno ayon sa mga ritwal Islamiko.” Sa Melaka, “ang emperador at ang kanyang mga nasasakupan ay pawang mga Muslim, at nagbabasa sila ng Koran at nag-aayuno.” Sa Aru, “ang hari at ang kanyang pinaghaharian ay pawang mga Muslim.” Sa Lambri, “lahat ng mga naninirahan sa baybay-dagat ay Muslim.” Sa Calicut, “ang dalawang pinakamataas na tsanselor na nakapaligid sa hari at tagapangasiwa ng mga pambansang usapin ay mga Muslim. Karamihan ng mga tao ay naniniwala sa Islam, at mayroong dalawampu hangga’t tatlumpung mga moske. Lahat ng mga Muslim ay nagpupunta roon para magdasal bawat linggo. Sa araw na ito, ang buong mag-anak ay walang ginagawa kundi maglinis ng sarili. Lahat ng lalaki, bata man o matanda, ay nagpupunta sa moske sa tanghali at umuuwi para ipagpatuloy ang kanilang trabaho o gawaing-bahay sa hapon.” Sa Maldives, “ang hari, mga tsanselor, at lahat ng mamamayan ay Muslim. Payapa ang lipunan, at ang lahat ay kumikilos nang naaayon sa mga doktrina ng Islam.” Sa Zufal, “ang emperador at ang kanyang nasasakupan ay pawang mga Muslim. Tuwing kailangan nilang magdasal, tumitigil sila sa paggawa at nagtutungo sa mga moske. Inaayon nilang lahat ang kanilang mga kasal o libing ayon sa mga batas ng Islam.” Sa Aden, “ang bansa ay puno ng mga Muslim.” Sa Bangladesh, “lahat ng tao ay naniniwala sa Islam. Ang hari at ang kanyang mga pangunahing tsanselor ay hindi naiiba.” Sa Hormuz, “ang hari at ang kanyang mga pinaghaharian ay pawang naniniwala sa Islam. Sila ay mga relihiyosong Muslim na nagdarasal limang beses isang araw. Nag-aayuno rin sila at naglilinis ng katawan.” Sa Mecca, “lahat ay naniniwala sa Islam. Ang mga santong Muslim ay nagsimula ng kanilang pagtuturo sa bansang ito kung kaya’t ang mga naninirahan ay tapat sa mga batas Islamiko at hindi nangangahas na suwayin ang mga ito.” Marami pang ibang halimbawa.
Gayunpaman, bakit hindi itinala ni Ma Huan ang mga gawain ni Cheng Ho kaugnay ng pagpapalaganap sa Islam? Una, sapagkat gaya ng nabanggit sa itaas, ang pangunahing layunin ng mga ekspedisyon ay “magtaguyod ng kabutihan at moralidad para isulong ang payapang relasyon sa ibang mga bansa,” payapang kapaligiran, at kalakalan. Hindi ito naglalayong ipalaganap ang Islam. Sa gayon, mas mauunawaan ang pagtala ni Ma Huan sa paggampan ni Cheng Ho sa kanyang misyon at sa mga kalagayang panlipunan sa iba’t ibang bansa at hindi pagbanggit, maaaring sinasadya o hindi, sa mga gawaing labas sa mga obligasyong ito. Ang emperador na Ming ay naniniwala sa Buddhismo, at ang kanyang mga tsanselor at pantas ay mababa ang pagtingin kay Cheng Ho na isang eunuch o kinapon; bagamat ang mga gawaing panrelihiyon ni Cheng Ho ay maaaring nakatulong sa kanya na gampanan ang kanyang mga misyon sa Timog-silangang Asya, hindi ito pahahalagahan ng mga nabanggit. Sa gayon, sa mga sinaunang arkibo ng Tsina, walang anumang banggit tungkol sa pagpapalaganap ni Cheng Ho ng Islam sa Timog-silangang Asya.
Marahil na si Cheng Ho mismo ay mayroong mga agam-agam na nagresulta sa kawalan ng dokumentasyon. Bagamat ang emperador ay nagpatupad ng patakaran ng pagpapahinahon sa mga Muslim, nagpataw rin ito ng mga restriksyon. Halimbawa, upang mailihim ang kanilang pagiging Muslim, maraming heneral at tsanselor ang pumiling magtaglay ng mga pangalang Han; kahit sa pagtatayo ng mga moske, ginagawa nila ito sa ngalan ng “pagbabasbas sa mahabang buhay,” ibig sabihi’y mga lugar para ipagdasal ang mahabang buhay ng emperador. Ito pa ang isang halimbawa. Naging saksi ang Quanzhou, isa sa mga unang lugar sa Tsina na pinag-ugatan ng Islam, sa paglago ng Islam noong panahon ng mga dinastiyang Song at Yuan, kung kailan “libu-libong” mga Muslim mula sa Arabia at Persia ang nanirahan doon. Subalit sa huling banda ng dinastiyang Yuan at maagang Ming, mayroong lumitaw na dalawang kilusang anti-Muslim. Ayon sa The Genealogy of the Jins in Wenling, “sa kaguluhang ito, lahat ng tao mula sa kanlurang hangganan ay pinagmalupitan.” Upang makaligtas sa persekusyon, may mga Muslim na naglayag patungo sa ibang mga bansa, ang ilan ay lumikas patungo sa mga bundok o baybay-dagat. Ang ilan ay nagpalit ng apelyido at tumalikod sa kanilang paniniwalang Islamiko.61 Imposibleng lingid ang lahat nang ito sa kaalaman ni Cheng Ho, bilang isang Muslim.
Mayroon naman iskolar na nagsasabing mismong ang karanasan ng pamilya ni Cheng Ho ang pinagmulan ng kanyang mga agam-agam sa paniniwalang Islamiko.62 Ayon kay Xiao Xian, ang lolo at ama niya ay parehong Haji na nagsagawa ng paglalakbay sa Mecca at malamang ay mga tinitingalang Muslim sa kanilang lokal na pamayanan. Ang ama ni Cheng Ho ay namatay noong 1382, ang taon kung kailan natalo ng mga tropang Ming ang lokal na hukbo ng lalawigan ng Yunnan; sa panahon ng kanyang pagkamatay, siya ay may 38 taong gulang pa lamang, masyado pang bata para mamatay dulot ng ordinaryong kadahilanan. Si Cheng Ho ay 11 taong gulang nang siya ay dinakip, dinala sa korte, at ginawang eunuch, bagamat sa kalaunan ay pinahalagahan at pinagkatiwalaan din siya ng emperador. Binabanggit din ni Xiao ang datos na noong sumulat siya ng epitap para sa kanyang ama bago siya umalis para sa unang ekspedisyon, na tinawag niyang pareho ang kanyang ama at lolo na “Ma Haji” at hindi sa kanilang mga tunay na pangalan. Maaaring ipinapakita nito na “si Cheng Ho ay may lihim at pigil na kalungkutan kaugnay ng kanyang pamilya at relihiyon. Kung ganoon nga, tiyak na hindi nanaisin ni Cheng Ho na ipagkalat ang kanyang mga gawain tungo sa pagpapalaganap ng Islam sa ibayong-dagat.” Samakatwid, parehong ang “pagbabalewala ng mga opisyal na istoryador” at “pangingimi ni Cheng Ho na itala ang kanyang mga personal na agam-agam” ang dahilan kung kaya’t kakaunti lamang na kaugnay na materyal ang naiwan. Sa palagay ng may-akda, ang mga dahilang ito ay marahil na may kaugnayan.
Ang ikalawang dahilan ay nangangailangan ng karagdagang ebidensya ang mga tala sa ibayong-dagat hinggil sa panrelihiyong pagpapalaganap ni Cheng Ho. Halimbawa, tulad ng nabanggit sa itaas, noong 1413, madalas magpunta sina Cheng Ho, Ma Huan, at Fei Xin sa moske ng Semarang para magdasal. Natural lamang na mapagkamalang Muslim ang nagdarasal sa moske, subalit totoo nga bang Muslim si Fei Xin? May mga iskolar na nagsasabing “sina Ma at Fei ay parehong Muslim,”63 o “si Fei Xin ay naniniwala sa Islam.”64 Subalit walang sinaunang arkibo sa Tsina na kumukumpirma sa pagka-Muslim ni Fei Xin. Dagdag pa, sa paghahambing sa The Overall Survey of the Ocean Shores ni Ma Huan at Xin Cha Sheng Lan (Marvellous Visions from the Star Raft) ni Fei Xin, natuklasan ng may-akda na binanggit ni Ma Huan ang “Islam” at “mga Muslim” sa mga rehiyon tulad ng Java, Melaka, Lambri, Calcut, Maldives, Aden, Hormuz, at Mecca, samantalang sa sanaysay naman ni Fei Xin sa mga bansang ito ay walang anumang banggit tungkol sa Islam. Maging sa paglalarawan sa banal na syudad ng Mecca, isinulat lamang niya na: “Mayroong mga moske. Ang pinuno at ang kanyang mga pinamumunuan ay pawang mga relihiyosong tao.” Makikita rito na si Fei Xin ay hindi interesado o pamilyar sa “Islam” at sa “mga Muslim.” Mula rito, may pagdududa ang may-akda kung nagdarasal nga si Fei Xin sa moske at ipinapalagay na ang pagiging Muslim ni Fei Xin, bagamat palaging iginigiit, ay hindi kapani-paniwala. Hanggang sa kasalukuyan, mayroon pa ring mga dayuhang iskolar na tumatawag kay Fei Xin na “Haji,”65 na sa aking palagay ay walang batayan.
Isang halimbawang binanggit sa itaas ay mula naman kay Amen Budiman. Habang naglalayag si Cheng Ho sa baybay-dagat ng hilagang Java, biglang nagkasakit si Wong Jinghong at hindi na makapagpatuloy sa biyahe. Naiwan siya para turuan ang mga lokal na residente at migranteng Tsino kung paano magsaka at magnegosyo, at nangaral din sa kanila tungkol sa Islam. Ayon sa ibang mga iskolar na dayuhan, si Wang ay naiwan sa Semarang noong ika-limang ekspedisyon, nanirahan doon, at nagpalaganap sa Islam hanggang sa kanyang pagkamatay sa edad ng 78.66 Subalit Muslim nga ba si Wang? Totoo bang ipinalaganap niya ang Islam sa Java? Pangkasaysayang datos ba ang kanyang paninirahan sa Semarang hanggang sa kanyang pagkamatay? Hindi ito tumutugma sa isa pang tala hinggil sa pagpunta ni Wang sa Samudra Pasai sa Sumatra noong 1434. At dahil walang tala na may kinalaman dito sa Tsina, kailangan pa itong patunayan.
Ito pa ang isang huling halimbawa. Isinulat ni Wang Juesheng, na nabanggit sa itaas, na noong nagpunta si Cheng Ho sa Makassar sa Sulawesi ay “iginawad (niya) ang titulo ng pagkahari sa isang lokal na pinuno na tumalikod sa Buddhismo at yumakap sa Islam.” Nagbibigay ito ng impresyon na ang pagpapalit ng relihiyon sa Makassar ay may kinalaman kay Cheng Ho. Subalit walang tala hinggil sa pagpunta ni Cheng Ho sa Sulawesi, at mayroong pang mga iskolar na nagdududa sa kumbersyon. Halimbawa, sinasabi nina Andaya at Ishii na “Pagsapit ng ika-labimpitong dantaon, ang Makassar ay isa sa iilang mahahalagang korte kung saan hindi nag-ugat ang Islam.”67 Samakatwid, ang paglalahad ni Wang Juesheng ay hindi lubos na kapani-paniwala.
Bilang pagsusuma, karamihan sa mga tala hinggil sa mga gawaing panrelihiyon ni Cheng Ho ay kwentong-bayan lamang o kalag-kalag na talang istorikal, na kulang sa sumusuportang ebidensya. Maraming materyal hinggil sa relasyon sa pagitan ni Cheng Ho at ng mga Tsinong Muslim na tumulong sa pagpapalaganap ng Islam sa Java na “kontrobersyal” pa rin.
Ang pangatlong dahilan para sa kasalatan ng sistematikong pananaliksik hinggil sa mga gawaing panrelihiyon ni Cheng Ho ay ang mga restriksyon ng mga lokal na awtoridad sa ganitong pananaliksik. Ang mga kolonyal na pinunong Olandes, na may tatlong dantaong namuno sa Indonesia, ay nagpatupad hindi lamang ng pang-etnikong hiyerarkiya, kundi pang-relihiyon din. Tiningnan nila ang Kristiyanismo, ang sarili nilang relihiyon, bilang dakila, at ang Islam na sinusunod ng karamihan ng mga Indones bilang “relihiyon ng mga nakabababang bansa.”68 Dagdag pa rito, sinikap nilang pigilin ang mga maninirahang Tsino sa pagyakap sa Islam69 at binalewala o itinanggi pa nga ang mga ambag ng mga Tsino gaya ni Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam sa Indonesia.
Noong 1926, marahas na sinupil ang isang rebelyong anti-Olandes na pinangunahan ng Partido Komunista ng Indonesia at, noong 1928, ang isang opisyal na Olandes sa gitnang Java na nagngangalang Poortman ay nagsagawa ng paghalughog sa mga templo ni Cheng Ho sa Semarang at Cirebon na hinihinalaang pinagtataguan ng mga komunista. Iniulat na maraming natagpuan si Poortman na materyal, sa Malay at Tsino, hinggil sa mahalagang papel na ginampanan ng mga Tsino sa lipunang Javanes at buhay-Islamiko, kabilang si Cheng Ho at ang kanyang plota. Sa pamamagitan ng kanyang pagiging bihasa sa wikang Tsino, naisalin ni Poortman ang mga materyal na Tsino sa Olandes,70 subalit naisip niya na kung kumalat ang mga impormasyong ito, ang mga tagumpay ay maaaring magpaalsa sa mga lokal na sirkulong Islamiko. Dahil dito, ang pananaliksik ni Poortman ay nanatiling internal sa pamahalaang Olandes at limang kopya lamang ng ulat-pananaliksik ang ipinaikot: isa sa punong ministrong Olandes, mga tsanselor ng kolonya, at ang gobernador-heneral na Olandes sa Silangang India (Indonesia). Si Parlindungan, ang may-akda ng Tuanku Rao, ay anak ng isang aristokratang Indones at opisyal din ng pamahalaang kolonyal ng Olandes. Mataas ang pagtingin sa kanya ni Poortman at, sa kanyang karagdagang pag-aaral sa Holland Technical School, pinalad siya na mabasa ang mga lihim na dosyer. Noong 1951, sa pagkamatay ni Poortman, nakakuha si Parlindungan ng isang kopya ng kanyang ulat-pananaliksik at idinagdag ang ilan sa mga lihim na impormasyon sa Annals sa apendiks ng Tuanku Rao. Subalit sa pag-upo ni Suharto sa kapangyarihan, dala ng kahawig na pagsasaalang-alang hinggil sa magiging reaksyon ng mga Muslim, ang Tuanko Rao ay ipinagbawal. Nakita ni Slamet Muljana, ang dating dekano ng departamento ng panitikan sa Universitas Indonesia at estudyante ni Parlindungan, ang mga lihim na materyal na ito sa bahay ng kanyang guro. Noong 1968, inilabas niya ang kanyang libro, Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa Dan Timbulnja Negara-Negara Islam Di Nusantara, kung saan sinipi niya at kinilala ang pangkatotohanang halaga ng Annals, ang apendiks ng Tuanku Rao. Ang aklat na ito ay ipinagbawal din ng pamahalaang Suharto noong 1971. Matapos ito, isinalin ni Slamet Muljana ang libro sa Ingles, bilang A Story of Majapahit, at ipinalimbag ito sa Singapore. Mula rito, makikita na sa loob ng mahabang panahon, dahil sa mga restriksyong ipinataw ng mga magkakasunod na awtoridad, ang mga iskolar na Indones ay nahadlangan sa kanilang pag-aaral sa papel ng mga lokal na Tsino, at partikular kay Cheng Ho, sa pag-unlad ng Islam sa Indonesia.
Hindi rin nabigyan ng kaukulang pansin ng mga iskolar mula sa kanluran o Timog-silangang Asya ang mga nagawa ni Cheng Ho at ng mga Tsino sa Timog-silangang Asya. Binanggit ni Claudine Salmon, isang iskolar na Pranses, sa “The Contributions of Chinese to the Development of Southeast Asia: A Renewed Evaluation,” na maraming dosyer hinggil sa mga Tsino na malimit lumabas sa mga talaan ng iba’t ibang rehiyon ay hindi pinapansin, maging sa Indonesia, kung saan ang mga materyal tungkol sa papel ng mga Tsino sa mga lipunang Javanes sa baybay-dagat ay nananatiling kulang sa pag-aaral.71 Ang Annals, ang apendiks ng Tuanku Rao, ang bumubuo sa pinakamahalagang bahagi ng mga talaan ng Semarang at Cirebon, at ang Annals din ang may tala hinggil sa pagtuturo nina Cheng Ho at iba pang mga Tsinong Muslim sa hilagang Java.
Malimit sipiin ng mga banyagang iskolar ang Annals tuwing binabanggit nila ang pagtuturo ni Cheng Ho sa Timog-silangang Asya, laluna sa Indonesia. Tulad ng nabanggit sa itaas, ang apendiks ay nakabatay sa mga materyal na natagpuan sa templo ni Cheng Ho sa Semarang ayon sa ulat-pananaliksik ni Poortman. Gayunpaman, ang Annals ay pinaikling bersyon ng mga orihinal na materyal na hindi na mahanap. Walang nakakaalam kung gaanong kalaking bahagi ng mga materyal na ito ang pumapatungkol sa pagtuturo ni Cheng Ho sa Java. Maging ang paggawa ni Poortman ng ulat-pananaliksik ay naging sentro ng kontrobersiya sa mga iskolar na Indones mula pa noong 1969. Batay sa maraming batis ng impormasyon, minsan ay ipinalagay ni Liem Ek Hian na imposibleng mahanap ang mga dosyer na ito sa templo ni Cheng Ho sa Semarang. Sinabi rin niya na ang ilang mga tanyag na iskolar na Olandes mula sa panahong iyon ay walang nahanap na kaugnay ng ulat-pananaliksik ni Poortman sa mga arkibo o aklatan sa Olandes.72 At noong 1986, habang nasa Olandes bilang bumibisitang iskolar, sinikap ng may-akda na mahanap ang mga nabanggit na materyal subalit wala rin itong ibinunga. Lahat nang ito ay nagdudulot ng malaking hadlang sa pagpapatunay, batay sa malakas na ebidensyang pangkasaysayan, sa pagiging totoo ng nakasulat sa Tuanku Rao at sa apendiks nito, ang Annals.
Maliban pa sa tatlong dahilan na ito, ang paghupa ng impluwensya ng mga turo ni Cheng Ho sa Timog-silangang Asya ay maaaring salik na nagpapaliwanag sa kakulangan ng mga kaugnay na materyal. Matapos ang mga ekspedisyon, biglang itinigil ng mga pinunong Tsino ang dakilang pakikipagsapalaran, na may mga kahihinatnang tumagal nang ilang daang taon. Sa Java at marami pang lugar, ang sektong Hanafiyah na sinuportahan ni Cheng Ho, ay mistulang nawalan ng anumang ugnay sa mga kapareha nilang Tsino at nagresulta sa pagsunod ng parami nang parami sa mga lokal na residente at Muslim sa sektong Shafiyah. Sa pagdating ng maraming Tsino sa arkipelagong Indones noong huling banda ng ika-19 na dantaon, karamihan sa kanila ay naniniwala sa Buddhismo, Taoismo, at Lamaismo. Ang moskeng itinayo ni Cheng Ho sa Semarang noong 1411 ay naging templo para sa kanya sa pagitan ng 1450 at 1475. Batay sa mga istatistiko ng may-akda, mayroong hindi kukulang sa pitong templo sa Indonesia na may kinalaman kay Cheng Ho.73 Maliban sa moske ni Cheng Ho sa Surabaya na itinayo noong 2002, ang anim ay matagal nang itinayo para pagsidlan ng mga idolo o mga “reliko” ni Cheng Ho o ng kanyang mga tagasunod. Sa katunayan, ang anim na templong ito ay hindi mga moske, sapagkat ipinagbabawal ang mga idolo sa moske. Sa gayon, dulot ng humihinang impluwensya ni Cheng Ho sa Islam sa Indonesia, nahahadlangan ang mga iskolar sa ibayong pag-aaral sa mga usaping ito.
Maraming iskolar ang tumitingin sa Indonesia bilang batayan para sa kanilang mga argumento tungkol sa impluwensya ni Cheng Ho sa Islam sa Timog-silangang Asya. Isa sa kanila si Slamet Muljana, na pumapalagay na si Cheng Ho ang nagtatag ng mga pamayanan ng mga Tsinong Muslim sa Kukang sa Sumatra, Sambas sa Kalimantan, at Java, at nagsermon sa mga lokal na mamamayan sa wikang Tsino ayon sa mga doktrinang Islamiko at obligasyon. Sa usaping ito, pinuna ni Junus Jahja na sa Indonesia, “maraming Sinolohista ang hindi pamilyar sa Islam samantalang maraming eksperto sa Islam ang hindi marunong sa wikang Tsino.”74 Marahil na isa rin itong salik sa kakulangan ng pananaliksik sa papel ni Cheng Ho sa pag-unlad ng Islam sa Timog-silangang Asya.
Gayunpaman, tanggap ng karamihan na ang tunay na kaganapan sa kasaysayan ay hindi maaaring itanggi o isantabi dahil lamang wala itong dokumentasyon sa mga arkibo ng Tsina. At hindi imposible na, dulot ng iba’t ibang kadahilanan, mayroong sinasadya o di-sinasadya na nakaligtaan o hindi naisama. Posible na ang malaking bilang ng mga dosyer hinggil sa mga ekspedisyon ni Cheng Ho ay sinira sa mga kadahilanang politikal, at posible rin na may ilang nakarating sa ibang mga bansa. Kailangan nating maging masinop sa pangongolekta at pagsusuri sa mga dosyer at sangguniang materyal na matatagpuan sa ibang bansa para malaman kung alin ang totoo at hindi. Ang pag-usad nito, sa kasalukuyan, ay hindi mainam dulot ng maraming salik.
Ang kasalukuyan at hinaharap ng pananaliksik sa relasyon sa pagitan ni Cheng Ho at Islam sa Timog-silangang Asya.
Sa nakaraang dalawampung taon, ang mga pahayagan sa Indonesia ay naglabas ng paparaming artikulo na gumugunita sa mga pagdalaw ni Cheng Ho sa Indonesia at sa kanyang papel sa pagpapalaganap ng Islam. Noong 1985, isang grupo ng mga mag-aaral ng wikang Tsino sa Departamento ng Sinolohiya ng Unibersidad ng Indonesia, sa pangunguna ng kanilang mga guro, ay naglunsad ng mga field investigation sa mga lugar ng mga relikong naiwan ni Cheng Ho sa Java at bumuo ng malawakang pag-uulat dito. Pinaghambing ni Slamet Muljana, isang tanyag na iskolar na Indones, ang mga magkaugnay na bahagi ng Tuanku Rao sa Pararataon at Babad Tanah Jawi, dalawang sinaunang tala tungkol sa Java, at natuklasan niya na ang tatlong aklat ay nagkakahawig sa maraming bahagi.75 Nararapat ding banggitin ang dalawang iskolar na Olandes na nag-iispesyalisa sa araling Indones: sina H. J. de Graff at Th. Pigeaud. Sa De Eerste Mioslime Vorstendammen op Java, na magkasama nilang isinulat noong 1974, wala silang ipinakitang anumang interes sa Annals. Subalit nang mapagtanto nila ang kanilang pagkiling at pinag-aralang muli ang mga talaan, kinilala nila ang kahalagahan nito. Sa kasamaang-palad, pagsapit ng 1983, masyado na silang matanda para tapusin ang kanilang bagong pag-aaral. Tinapos ito ni M. C. Ricklefs at inilathala ng University of Monash sa Australia noong 1984 sa pamagat na Chinese Muslims in Java in the 15th and 16th Centuries. Ang salin nito sa Indones, na binabanggit sa itaas, ay lumabas noong 1998.
Nong 1998, matapos mabuwag ang administrasyong Suharto, maraming dating ipinagbawal na larangan sa akademikong pag-aaral ang naging bukas para sa diskusyon. Noong 2003, sa Jakarta, naglabas ang dalawang iskolar na Indones, sina Sumanto at Xu Tuantang (Benny G. Setiono) ng mga aklat, ang Arus: Cina-Islam-Jawa at Tionghoa Dalam Pusaran Politik; lantarang inilarawan ng mga aklat na ito ang mga gawain ni Cheng Ho kaugnay ng pagpapalaganap ng Islam sa Timog-silangang Asya, laluna sa Java. Ilang beses na sumipi ang mga aklat na ito ng mga halimbawa mula sa Tuanku Rao at sa apendiks nito na Annals. Minsan, sinabi Chen Dasheng na ang mga maiikling pangungusap ng Annals, ang maraming halimbawa ng diyalektong Fujian, at naglipanang salitang monosilabiko gaya ng Kun Ta Bu Mi, Pa Bu Ta La, at Muk Ming, sa halip na polisilabikong Indones, ay malinaw na naglalarawan na ang pinakamaagang bersyon nito ay maaaring itinalang pasalitang Tsino, at isinalin at itinala sa Malay ng mga lokal na Tsino noong simula ng ika-18 dantaon. Sa ika-20 dantaon, inedit ito nina Poortman at Parlindungan sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga bagay na ipinalagay nilang walang kaugnayan at pagdagdag sa iba pang mga bagay; si Parlindungan, sa partikular, ay nagdagdag ng impormasyon tungkol sa okupasyon ng Hapon noong dekada 1940.76 Gayunpaman, nakatuon ang Annals sa kalagayan ng mga Tsinong Muslim na nakatira sa Indonesia sa pagitan ng 1411 at 1564 at sa papel na ginampanan ni Cheng Ho sa pag-unlad ng Islam sa Java. Sa paggunita ng ika-600 anibersaryo ng paglayag ng mga ekspedisyon ni Cheng Ho, naglaman ang Indones na pahayagang Light of Hope noong ika-23 ng Abril 2005 ng artikulong “In Memory of General Cheng Ho’s Visits,” na muling nagbanggit na nagturo nga si Cheng Ho sa Semarang at hilagang Java.
Ang mga paliwanag at pagdaragdag nina de Graff at Pigeaud ay napakahalaga rin. Isinulat nila na ang Annals ay unang itinala sa wikang Tsino at ang nagsalin sa bahaging Semarang ay isang Tsinong Muslim na nakatira sa Semarang noong unang bahagi ng ika-18 dantaon, at siya rin ang nagsalin sa karamihan ng mga dosyer na nasa wikang Tsino tungo sa Jawi (Malay na sulat Arabo). Si Poortman, isang opisyal na Olandes, ang pangalawang tagasalin at patnugot; ang kanyang pinakamahalagang ambag ay ang paglalapat sa aklat sa kalendaryong Europeo. Tiyak na si Parlindungan ang pangatlong tagasalin at patnugot sa wikang Malay. Dagdag pa rito, ang isang pinuno ng mga pamayanang Tsino sa Sumatra ay nagpadala kay Poortman ng aklat na napapamagatang Moa Tsai Pi Tjing Wong (Ang Hari ng Majapahit), na isang talang ginawa ni Ma Yuang Long. Ang paglitaw ng talang ito ay lalo pang nagpayaman sa Annals sapagkat si Ma Yung Long ay kapatid ni Ma Hong Fu, ang sugo ng Tsinong Muslim sa Majapahit sa pagitan ng 1424 at 1449, at manugang ni Bong Tak Keen. Sa kabila ng mga imperpeksyon ng Annals, ang dalawang iskolar na ito ay walang nakitang ebidensya na ang pag-unlad ng mga pamayanan ng mga Tsinong Muslim sa Java ay sadyang inimbento at pinalaki lamang. Sa kabilang banda naman, sinabi nila na ang mga tagumpay ng mga tagasunod sa Hanafiyah sa lalawigan ng Yunnan ay hindi susi sa pag-unlad ng Islam sa Java.77 Sa katunayan, sing-aga ng 1379, si Maulana Malik Ibrahim, isang Muslim na isinilang sa Gujarat, India, ay dumating para magturo ng mga doktrinang Islamiko at pinili niya ang Gresik sa silangang Java para maging sentro ng kanyang mga panrelihiyong gawain. Isa rin siya sa siyam na santo at namatay siya noong 1419.78
Inilunsad ni Cheng Ho ang kanyang unang ekspedisyon noong 1405. Matapos ito, maraming sugo ang ipinadala sa Tsina mula sa Sumatra at Java, na ang karamihan ay Muslim. Noong 1406, ipinadala sa Tsina si Haji Mahmud at noong 1425, si Aliand Chang Fonama at iba pa, mula sa Kukang.79 Ayon sa Records on the Ming Dynasty, sa pagitan ng 1413 at 1438, sina Ali Sulaiman, Ali Mahmud, Ali Kua, at marami pang iba ay ipinadala mula sa Java.80 Hindi lamang nito sinasalamin ang ibayong pag-unlad ng Islam sa Timog-silangang Asya at pakikilahok ng mga Muslim sa mga usaping pambansa; may ipinapakita rin itong napakahalaga tungkol sa relasyon sa pagitan ng mga Tsino at Muslim na Indones. Hindi lamang tsamba na ang mga Tsinong Muslim ay maaaring ipadala bilang sugo ng hari ng Java sa panahon ng mga ekspedisyon ni Cheng Ho at limang taon matapos siyang mamatay, sapagkat mayroon nang mga Tsinong Muslim sa Java bago pa man dumating si Cheng Ho. Bagamat maraming materyal na nakalap mula sa ibayong-dagat ang nagpapasalamat kay Cheng Ho sa pag-unlad ng Islam at maging ng mga pamayanan ng Tsinong Muslim sa Java, hindi tamang sabihin na si Cheng Ho ang tanging may-ambag sa mga pag-unlad na ito.
Sa usapin naman ng pagiging kapani-paniwala ng Annals, binanggit nina de Graff at Pigeaud sa kanilang paunang-salita na kung tama si Parlindungan at ang Annals ay natapos noong ika-16 dantaon (itinatala nito ang panahon sa pagitan ng 1403 at 1585), hindi kapani-paniwala na manatili itong buo sa loob ng apat na dantaon ng napakainit at maalinsangang klima, napakaraming digmaan, at kaguluhang pulitikal. Sa kabila nito, naninindigan si Parlindungan na ang mga dosyer hinggil sa Semarang at Cirebon ay lumitaw sa gitna ng ika-18 dantaon. Sa pagitan ng 1740 at 1742, nagkaroon ng isang pag-aalsa ng mga Tsino laban sa mga kolonyalistang Olandes, at umakyat sa kapangyarihan ang isang Tsinong nagngangalang Sunan Kuning bilang pinuno ng hilagang baybay-dagat at interyor ng Java. (Ayon sa ika-77 pahina ng Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa Dan Timbulnja Negara-Negara Islam Di Nusantara ni Slamet Muljana, ang kanyang pangalan ay Njoo Lay Wa.) Ang kanyang pamumuno ay agad na winakasan ng mga tropa ng mga hari ng Java at Madura. Matapos ito, inugnay ng isang Tsinong dating opisyal sa Semarang ang mga kaganapang ito sa kagitingan ng mga Tsinong Muslim sa digmaan laban sa paganong Majapahit at sa pagtatanggol ng Islam sa Java. Noong dekada 1740, kinalap niya ang mga dokumento at katitikan na dati ay nasa pangangalaga ng Samahan ng mga Muslim na Tagagawa ng Bangka.
Ang Tsinong Muslim na ito marahil ang unang tagasalin, mula Tsino tungong Jawi, at patnugot ng mga dosyer na natuklasan noong mga unang dekada ng ika-20 dantaon. Matagal na siyang naninirahan sa Semarang at may malalim na kaalaman sa kasaysayang lokal noong unang bahagi ng ika-18 dantaon. Hindi nakakagulat kung pinalaki niya ang epekto ng kultura at pulitikang Tsino sa Java kung siya mismo ay lumaki sa kulturang Tsino. Tiyak na si Poortman, ang kolonyal na opisyal na Olandes, ang pangalawang patnugot.81 At siyempre si Parlindungan ang pangatlo. Kung ang ganitong ayos ng mga kaganapan ay wasto, at ang Annals ay “nagmula so orihinal na bersyong Tsino” na ilang beses isinaayos at isinalin, kinakailangang pag-aralan ang mga dosyer at alamin kung alin ang mga orihinal na teksto at alin ang mga pabrikasyon. Halimbawa, sa Annals, si Cheng Ho ay tinatawag na Hajj, na nagpapahiwatig na nagsagawa siya ng pilgrimahe sa Mecca; ito ay walang batayan. Sa pagsusuri sa mga tagumpay ni Cheng Ho sa pagpapalaganap ng Islam sa Java, walang personal na pagtanggi o pagpapalaki ang maaari. Ang pananaliksik tungkol dito ay dapat nakabatay sa mga kapani-paniwalang datos at mahigpit na pangangatwiran, hindi lamang sapagkat ang araling pangkasaysayan ay nagbibigay-diin sa datos at katotohanan, kundi sapagkat ang mga usaping Islamiko ay maseselang paksain sa isang bansa tulad ng Indonesia kung saan karamihan ng mamamayan ay Muslim.
Dagdag pa, pinag-aralan ng mga dayuhang iskolar ang ugnayan sa pagitan ng mga ekspedisyon ni Cheng Ho at sa mga Muslim sa Timog-silangang Asya. Halimbawa, isinulat ni Terada Takanobu, isang iskolar na Hapon, na “ang mga ekspedisyon ni Cheng Ho ay maaaring tukuyin bilang kakaibang Islamikong proyekto na isinagawa ng mga Tsinong Muslim bilang mga pangunahing artista at ng mga Muslim sa Timog-silangang Asya, India, at Kanlurang Asya bilang mga pangalawang nagsisiganap.”82 Kapani-paniwalang si Cheng Ho at marami pang ibang Muslim sa kanyang plota ay nagkaroon ng ugnayan sa mga lokal na Muslim sa Timog-silangang Asya. Gayunpaman, hindi nararapat na tawagin ang mga ekspedisyon ni Cheng Ho bilang “proyektong Islamiko,” sapagkat naglayag siya sa ilalim ng mga dekreto ng mga emperador ng dinastiyang Ming. Totoo, gaya ng nabanggit, na mayroong mga Muslim sa plota. Subalit ang pagtingin sa mga gawaing panrelihiyon ni Cheng Ho bilang bumubuo ng isang drama na “ginaganapan ng mga Tsinong Muslim bilang mga pangunahing artista at ng mga Muslim sa Timog-silangang Asta, India, at Silangang Asya bilang mga pangalawang nagsisiganap” ay nangangailangan ng dagdag na pagtalakay.
Mga Konklusyon
Ang pangunahing dahilan ng kakulangan ng kapani-paniwalang dokumentasyon hinggil sa pagtuturo ni Cheng Ho ng Islam sa Timog-silangang Asya ay sapagkat hindi ito ang misyon ng kanyang mga ekspedisyon. Gayunpaman, maraming tala at kwentong-bayan hinggil dito sa ibang mga bansa, na ang pinakamahalaga ay ang Tuanku Rao, at ang apendiks nito na Annals, ni Mangaradja Onggang Parlindungan. Bagamat kulang sa sumusuportang ebidensya, ang Annals ay nagbibigay pa rin ng mga mahahalagang palatandaan: ang malimit na pagdalaw nina Cheng Ho, Ma Huan, at Fei Xin sa moske sa Semarang; ang maraming pamayanang Tsinong Muslim na naitatag salamat sa pagsusumikap ni Cheng Ho; ang paggamit ni Cheng Ho sa network ng mga Tsinong Muslim (partikular ang mga tagasunod ng Hanafiyah na galing sa lalawigan ng Yunnan) para ipalaganap ang Islam; ang kapuna-punang pagbagsak ng mga pamayanang Tsinong Muslim na Hanafiyah sa pagkamatay ni Cheng Ho, laluna sa pagitan ng 1450 at 1475, kung kailan may mga Tsino na sumunod sa mga naninirahan at yumakap sa paniniwalang Shafiyah; at sa paggamit ng ilang mga Tsinong Muslim sa lokal na wika sa halip na wikang Tsino sa pagtuturo. Maraming Islamikong iskolar at propesor ang malaki ang pagpapahalaga sa mga ito, dulot ng pagkakatuklas ng mga pagkakahawig sa pagitan ng Annals at iba pang sinaunang tala hinggil sa Java.
Si Cheng Ho, na isinilang sa isang Muslim na angkan ay nakilahok sa iba’t ibang mga domestikong gawaing Islamiko. Sa gayon, malaki ang posibilidad na ipagpapatuloy niya ito sa ibang mga bansa matapos niyang gampanan ang kanyang mga opisyal na misyon. Ang mga ekspedisyon ni Cheng Ho ay inilunsad noong panahong transisyunal sa ilang mga bahagi ng Timog-silangang Asya kung kailan ang Buddhismo ay unti-unting nagbigay-daan sa Islam. Kung ang papel ni Cheng Ho at ng kanyang mga kasama sa pagpapaunlad ng Islam sa Timog-silangang Asya ay matitiyak, ito ay makabuluhan. Ang Islam ay dumating kasabay ng mga payapang gawaing komersyal sa Timog-silangang Asya, at ito ay nakatulong naman sa pag-unlad ng komersyal na ekonomya.
Kahit na walang kinalaman si Cheng Ho sa paglaganap ng Islam sa Timog-silangang Asya, ang kanyang katayuan at reputasyon bilang dakilang nabigador at mahusay na sugo para sa kapayapaan ay hindi matatawaran. Ang mga pag-aaral sa relasyon sa pagitan ni Cheng Ho at ng Islam sa Timog-silangang Asya ay maaaring magpalalim sa kaalaman sa mga ekspedisyon ni Cheng Ho, laluna sa kanyang papel sa pagpapalaganap ng Islam sa Timog-silangang Asya noong ika-15 dantaon. Bumubuo rin ito ng mahalagang bahagi ng palitang kultural sa pagitan ng Tsina at Timog-silangang Asya. Mahalaga kung ang mga iskolar dito at sa ibayong-dagat ay mas mahusay na magtulungan sa kanilang imbestigasyon at pananaliksik sa palaisipang pangkasaysayang ito. [Salin mula sa Ingles ni Sofia Guillermo]
Kyoto Review of Southeast Asia Issue 10 (August 2008)
Si Kong Yuanzhi ay propesor sa Peking University. Ang papel na ito ay unang lumabas sa Southeast Asian Studies 2006, blg. 1. Isinalin ito para sa KRSEA ni Liu Kewei.
[Tala ng patnugot: Ang mga siping salin mula sa mga batis na Ingles tungo sa Tsino ay ipinarapreys sa pagkakataong ang orihinal ay hindi mapagsanggunian. Ang pagkakaroon ng sipi sa bersyong Tsino ng papel na ito ay binabanggit sa sitasyon at, sa lahat ng kaso, ay sinusundan ang orihinal na pahinasyon ng mga salin sa Tsino.]
Kyoto Review of Southeast Asia
Issue 10 (August 2008)
© Center for Southeast Asian Studies, Kyoto University
KYOTO REVIEW OF SOUTHEAST ASIA GRATEFULLY ACKNOWLEDGES THE SUPPORT OF THE TOYOTA FOUNDATION.
Designed and developed by SQUEAKYSTUDIOS for CSEAS
MGA TALA
Nicholas Tarling, ed., The Cambridge History of Southeast Asia,I,Cambridge University Press 1992, p.513.
2 Hasan Shadily, Ensiklopedi Indonesia,(Jakarta : P.T.Ichtiar Baru—Van Hoeve ,1989) p. 1501.
3 A. Hasymy, Sejarah Masuk Dan Berkembangnya Islam Di Indonesia, cetakan kedua (Jakarta: PT Alma’ arif, 1989), p. 361.
4 Harian Kompas, 28 September 1980.
5 Harian Republik, 14 Setyembre 1997.
6 Aspirasi, 25 Setyembre 2003, p. 23.
7 H. J. de Graaf dkk., Cina Muslim Di Jawa Abad XV dan XCI: Antara Historisitas dan Mitos (Yogya : PT Tiara Wacana Yogya, 1998), p. 7.
8 S. Q. Fatimi, Islam Comes to Malaysia (Singapore: Malaysian Sociological Research Institute, 1963), p. 52-66.
9 Shadily, Ensiklopedi Indonesia, p. 1501-1502; Sanusi Pane, Sejarah Indonesia, vol. I, Chinese translation (Commercial Press, 1972), p. 147.
10 Marco Polo, Travels of Marco Polo, vol. II, translated by Feng Chengjun (Commercial Press, 1936), p. 655 [sipi].
11 J. C. van Leur, Indonesian Trade and Society (The Hague: The Royal Tropical Institute-Amsterdam, 1995), p. 111.
12 H.G. de Graff & Theodore G. Th. Pigeaud, Kerajaan Islam Pertama di Jawa (Jakarta: Pustaka Utama Grafiti). May ibang pananaw na si Fatimah ay namatay noong 1102; tingnan Uka Tjandrasamita, The Arrival and Expansion of Islam in Indonesia Relating to Southeast Asia (Jakarta: Masagung Foundation, 1985), p. 3-5. Ayon sa ibang mga batis, si Fatimah ay namatay noong 1083 at hindi 1102.
13 D.G.E. Hall, A History of South-east Asia, I, Macmillan & Co.Ltd.London, Second Edition, 1964.p.190.
14 Tjandrasamita, Arrival and Expansion of Islam, p. 3-5.
15 Van Leur, Indonesian Trade and Society, p.111.
16 Hall, History of Southeast Asia, p. 191.
17 Tarling, Cambridge History, p. 515,.
18 Departemen Pendidikan dan Kebudayaan, Sejarah Nasional Indonesia (Jakarta: Balai Pustaka, 1976), p.109.
19 Lite Chen, A History of Chinese Migrants (Chinese Literature Press, 1946), p. 6.
20 Prijohudomo, Sejarah Kebudayaan Indonesia, II (Jakarta, 1953), p. 91.
21 The History of the Yuan Dynasty; see also G. Coedes, The Indianized States of Southeast Asia (Honolulu: The University Press of Hawaii, 1968), p. 202; Liao Dake, “Cheng Ho’s Expeditions and the Spread of Islamism in Southeast Asia,” in The Chinese Who was Travelling on the Sea (Association of Cheng Ho Studies, Haichao Press, 1996), p. 252.
22 Liao, “Cheng Ho’s Expeditions,” p. 252.
23 Liao, “Cheng Ho’s Expeditions,” p. 254-256.
24 De Graaf dkk., Cina Muslim Di Jawa, p. 47.
25 Chen Dasheng, “Cheng Ho, Islam in Southeast Asia and the Chronicles of Semarang,” Asia Culture (Singapore Association of Asia Studies, June 2003); Qian Jiang, “Cheng Ho’s Expeditions and Chinese Muslim Communities in the Indonesian Archipelago as seen through The Malay Annals of Semarang and Cirebon,” Overseas Chinese History Studies 2005, no. 3 [tala ng patnugot: tingnan ang HYPERLINK "http://scholar.ilib.cn/A-hqhrlsyj200503001.html" http://scholar.ilib.cn/A-hqhrlsyj200503001.html para sa buod].
26 Parlindungan, Tuanku Rao (Jakarta: Penerbit Tandjung Pengharapan, 1964), p. 653.
27 Lee Khoon Choy, Indonesia: Myth and Reality (Singapore: Educational Press, 1979), p. 85.
28 Heru Christiyono, “Zheng Ho,” (Jakarta:Majalah Selecta, 1982, no. 1126.
29 Slamet Muljana, Kuntala, Sriwijaya dan Suwarnabhumi (Jakarta: Yayasan Idayu, 1981); de Graaf dkk., Cina Muslim Di Jawa, p. 56.
30 Parlindungan, Tuanku Rao, p. 652-653.
31 Parlindungan, Tuanku Rao, p. 116.
32 Slamet Muljana, Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa Dan Timbulnja Negara-Negara Islam Di Nusantara (Jakarta: Bhratara, 1968), p. 64-72.
33 Lee Khoon Choy, Indonesia: Myth and Reality, p. 85.
34 Tan Yeok Seong, “The Relationship between Chinese Migration in the Ming and Islamization in Southeast Asia,” Southeast Asia Journal 1975-1976, nos. 1-2.
35 Muljana, Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa, p. 108.
36 Sie Hok Tjwan, The 6th Overseas Chinese State (Centre for Southeast Asian Studies, James Cook University of North Queensland, Australia, 1990), p. 72.
37 Ma Huan, The Overall Survey of the Ocean Shores.
38 Halim, “Wali Sanga Islam Di Pulau Jawa,” Harian Utusan Malaysia, 9 Nobyembre 1980.
39 Sie Hok Tjwan, 6th Overseas Chinese State, p. 154.
40 Muljana, Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa, p. 71.
41 Buya Hamka, “Cheng Ho: Laksamana Muslim Yang Pernah Mengunjungi Indonesia,” Majalah Star Weekly, 18 Marso 1961.
42 Tempo, 14 Setyembre 1985, p. 48.
43 Geography of the Countries, Vol. 6.
44 Southeast Asian Studies, vol. 2, no.3.sipi mula sa Zhang Weihu,ed.:Cheng Ho’s Maritime Expedition,(Beijing: People’s Communication Press,1985)p.168.
45 Sumanto Al Qurtuby, Arus Cina-Islam-Jawa (Jakarta: INSPEAL Press & INTI, 2003), p. 192.
46 Hamka, “Cheng Ho.”
47 Kong Yuanzhi, “Precious Friendship, Touching Legends: On the Folk Legends about Cheng Ho in Southeast Asia,” Cheng Ho Studies, Disyembre 1989, blg. 9.
48 See also Tempo, 14 September 1985, p. 48; Amen Budiman, Semarang Riwayatmu Dulu, vol. I (Semarang: Tanjung Sari, 1978), p. 26; Xue Ming, “Cheng Ho Cave, A Tourist Spot in Indonesia,” Overseas Chinese (Hong Kong, 1987), no. 10.
49 D. E. Willmott, The Chinese of Semarang: A Changing Minority Community in Indonesia (Ithaca, NY: Cornell University Press, 1960), p. 2.
50 The Genealogy of Cheng Ho (People’s Communications Press, 1985), p. 48.
51 Sumanto Al Qurtuby, Arus Cina-Islam-Jawa, p. 86.
52 H. Aboebakar, Sejarah Masjid (Jakarta: Toko Buku “Andil,” 1955), p. 163.
53 Muljana, Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa, p. 160-162, 170.
54 Hamka, Sejarah Ummat Islam, Jilid IV, cetakan kedua (Jakarta: Penerbit Bulan Bintang, 1976), p. 34.
55 M. C. Ricklefs, The History of Modern Indonesia,since c.1200,Third Edition, Indiana University Press, Bloomington, 2001. p. 10.
56 H. J. de Graaf and Theodore G. Th. Pigeaud, Kerajaan Islam Pertama di Jawa (Jakarta: Pustaka Utama Grafiti, 1986), p. 28-29.
57 Tan Yeok Seong, “The Relationship between Chinese Migration in the Ming and Islamization in Southeast Asia”.
58 Agus Sujudi, “Warisan Sam Po Toa Lang,” Star Weekly, no. 347, 1952.
59 Hamka, Sejarah Ummat Islam. Ang Malabar ay matatagpuan sa Timog-kanlurang baybay-dagat ng India. Tumutukoy si Kong Yuanzhi sa mapa.
60 Aa. Kustia, “Admiral Cheng Ho: A Great Man with Multi-Identities,” Studies on Cheng Ho, no.3, 2003, p. 14.
61 Huang Qiurun, “Cheng Ho’s Achievements and Quanzhou,” Studies on Cheng Ho, no. 12, 1991, p. 54.
62 Xiao Xian, “Cheng Ho’s Expeditions and the Development of Islamism in Southeast Asia”, 2nd Conference on Cheng Ho Studies (Kunming, 2002).
63 Liang Qichao, “Biography of Cheng Ho, a Great Navigator of China,” in Selections on Cheng Ho Studies, ed. Wang Tianyou and Wan Ming (Peking University Press, 2004), p. 4.
64 Liu Ruzhong, Cheng Ho’s Expeditions (Chinese Literature Press, 1983), p.16.
65 Benny G. Setiono, Tionghoa Dalam Pusaran Poltiik (Jakarta: Elkasa, 2003), p. 44.
66 Setiono, Tionghoa Dalam Pusaran, p. 33.
67 Tarling, Cambridge History, p. 520.
68 Junus Jahja, ed., Muslim Tionghoa (Jakarta: Yayasan Ukhuwah Islamiyah, 1985), p. 21.
69 Achmad Setiaji, “Islam Indonesia: Cina dan Sam Po Kong,” Pikiran Rakyat (Bandung), 27 Pebrero 1998.
70 Muljana, Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa, p. 66.
71 Muljana, Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa, p. 66 [sipi].
72 Tempo, 14 Setyembre 1985.
73 Ang pitong templong kaugnay kay Cheng Ho ay matatagpuan sa Semarang, Jakarta, Cirebon, Surabaya(2), Pulo ng Bangka at Bali.
74 Junus Jahja, Catatan Seorang WNI (Jakarta: Yayasan Tunas Bangsa, 1988), p. 65-64.
75 Muljana, Runtuhnja Keradjaan-Keradjaan Hindu Djawa, p. 67.
76 Chen, “Cheng Ho, Islam in Southeast Asia and the Chronicles of Semarang,” p. 90.
77 De Graaf dkk., Cina Muslim Di Jawa, p. xxii-xxxii.
78 Shadily, Ensiklopedi Indonesia, p. 1362; Denys Lombard, Nusa Jawa Slang Budaya, II (Jakarta: Penerbit Gramedia Pustaka Utama, 1996), p. 314.
79 Liao Dake, “Early Chinese Muslims in Southeast Asia,” Studies on Chinese and Overseas Chinese, 1997, no. 1, p. 32.
80 Liao Dake, “Cheng Ho’s Expeditions and the Spread of Islamism in Southeast Asia,” p. 256.
81 De Graaf dkk., Cina Muslim Di Jawa, p. xxv-xxxvi.
82 Terada Tabanobu, Cheng Ho: A Navigator Linking China and Muslim Countries (Haiyang Press, 1988), p. 144.
click to download PDF